Nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa Facebook post ni "Ma. Criszelda 'Crizette' Baclay" na nagpapakita ng mensahe niya para sa inang si Norma Baclay na matagal nang namayapa noon pang 2007.

Ayon sa kaniyang Facebook post, dinalaw ni Crizette ang puntod ng ina upang i-alay rito ang kaniyang diploma, katunayan na siya ay nakatapos na rin ng pag-aaral sa kolehiyo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

"Dear mama," panimula ni Crizette.

"Eto na ang isa sa mga ipinangako ko sa inyo at kay Papa buntis pa lang ako sa bunso. Aayusin ko ang buhay ko dahil sa hirap na dinanas ko. Hindi nga kayo naniwala sa akin 'di ba noong sumulat ako sa inyo sabi ko darating ang araw gaganda ang buhay ko, yayaman ako. Kasi matigas ang ulo ko kasi ang aga ko nagkaanak, apat pa at walang sustento."

"Hanggang sa mawala ka. Si Papa naman nagagalit kasi gusto ko mag-aral. Pahirapan pa sarili wala naman akong pera. Pero mas mahirap maliitin ka ng mga tao. Napakatigas daw ng ulo ko Mama pinapalayas kami ni Papa. Pinagpipilitan ko raw ang gusto ko. Hindi ko pinagsisihan yun Ma kahit nahirapan ako kasi alam ko malayo mararating ko."

"Yan na Ma, pinagsikapan ko 'yan. Puyat, pagod, luha, hirap at nagkasakit pa ako. Nakatapos na ako Mama. Disappointed man kayo at bata ang naging diploma ko noon. Ako na ngayon ang kauna-unahan mong anak na nakapagtapos ng college. Alam ko masaya ka. Si Papa tinanong ko s'ya kanina. 'Masaya ka na ba Papa, proud ka na ba sa akin?' 'Oo, masaya,' sagot niya na umiiyak din."

"Masaya ako Mama. Masaya ako na sa wakas proud na kayo sa akin. Ang pangarap ninyo na makatapos ako, natupad na sa awa at tulong ng Panginoon. Salamat sa Kaniya dininig ang panalangin ko."

"Ang black sheep na anak, naka-black toga na. Glory to Jesus," aniya.

Sa Facebook profile picture ni Crizette ay isinalaysay niya ang ilan sa kaniyang mga pinagdaanan sa panahon ng pag-aaral. Bukod sa single parent ay dalawa ang trabaho ni Crizette: tagalinis sa araw at masahista naman sa gabi.

Pinasalamatan ni Crizette ang mga taong nasa likod ng kaniyang tagumpay, mula sa kaniyang pamilya, boyfriend, mga kaibigan, kliyente, boss, at mga guro.

Si Crizette ay nagtapos ng BS Entrepreneurship sa Cavite State University.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!