Nagbigay ng update ang charcoal and graphite artist na si "Chaboy Dela Cruz" hinggil sa engkuwentro niya sa isang estrangherang babaeng kliyente matapos siyang padalhan ng bible verse ng isang kliyenteng nagpapa-drawing sa kaniya ng portrait.
Kalakip ng kaniyang Facebook post ang screengrab ng convo thread ni Chaboy sa kaniyang babaeng kliyente, na nagpadala ng dalawang selfies sa kaniya.
Inutusan siyang i-drawing ang litratong sinabi niyang mas maganda, at hihintayin daw hanggang Miyerkules. Nang tanungin ni Chaboy kung babayaran ba siya, lumitanya ang kliyente na kailangan daw ba, at saka siya pinadalhan ng bible verse mula sa Hebreo 13:5-8.
"Nak huwag mo hayaang isangla ang kaluluwa mo kay Satanas para lang sa kapirasong pera," saad nito.
Ipinaliwanag naman ng artist na hindi naman sa pagsasanla ng kaluluwa sa demonyo, subalit kailangan niya ng pera dahil nga isa siyang artist. Nag-offer pa siya ng discount para sa kaniya, huwag lamang libre.
Ngunit tila walang balak na magbigay ng bayad ang kliyente; sa halip ay kinuha nito ang kompletong pangalan ng artist para daw ipag-pray over.
"Sendan ba naman ako ng bible verse, so pano pa ko tatanggi nyan ante?" ani Chaboy sa caption ng kaniyang FB post.
"PARA SA MGA ARTIST JAN, WAG NA KAYONG MANINGIL KUNG AYAW NYONG MASANGLA KAY SATANAS MGA KALULUWA NYO," birong hirit pa ni Chaboy.
Ayon sa artist, kaya niya ipinost ito ay upang magpakalat ng awareness na hindi libre ang pagpapagawa ng portrait na kabuhayan ng mga artist. Hindi rin aniya dapat ginagamit ang bible verse sa mga ganitong sitwasyon.
Samantala, sa panibagong update ni Chaboy, mukhang "nahimasmasan" na raw ang babaeng kliyente, at ang nakakatuwa raw sa kaniya ay tila hindi ito nagalit matapos itong mag-viral.
"Nagkasundo na po kami ni Ante Fhatima, pagbigyan na natin mga lods," sey ni Chaboy.
Ayon sa panayam ng Balita, gagawin na niya ang request nito, dahil nadagdagan naman ang mga kliyente niya dahil sa mga nangyari.
"Mukhang nagsisi naman na po s'ya, nakapagbigay na rin naman po ako ng advices sa kaniya kahit papano, hopefully hindi nya po ulitin ito in the future," anang artist.
Nakakatawa na nakakatuwa umano na hindi ito nag-react o nagalit sa hate comments sa kaniya matapos maging viral.
"Isa rin po 'yan sa reason kung bakit nag-decide na akong i-drawing po sya ng libre, hindi man lang po s'ya nagalit, bagkus nahiya pa s'ya, sa tingin ko po gustong-gusto lang n'ya na mai-drawing ko s'ya, bukod po doon dumami rin po kliyente dahil sa viral post, so bilang kapalit po nito ido-drawing ko na lang po s'ya for free," aniya.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!