Isang araw bago ang Araw ng Manggagawa o Labor Day, Mayo 1, nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pamahalaan na bilisan ang pag-aral sa mga panukalang naglalayong matukoy ang makatwirang sahod para sa mga manggagawa sa bansa.

Sa kaniyang pahayag nitong Linggo, Abril 30, binigyang-diin ni Villanueva na mahalagang mapag-aralang mabuti ng Department of Labor and Employment (DOLE) at National Economic and Development Authority (NEDA) ang tamang pamantayan para matukoy ang “reasonable living wage” para mga manggagawang Pilipino.

“Atin pong itinutulak ang pagkakaroon ng sweldong angkop sa pamumuhay o living wage na nakabatay sa malinaw na pamantayan,” ani Villanueva.

Sinabi rin ng senador na dapat maaksyunan agad ang mga hinaing ng mga manggagawa pagdating sa sahod.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Nararapat din umanong paglaanan ng karampatang tulong ang maliliit na namumuhunan at pababain ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Sinabi rin ni Villanueva na kailangan ng ekonomiya ng Pilipinas na lumikha ng mga sapat na disenteng trabaho at tuldukan na ang kontraktuwalisasyon.

“Itinutulak pa rin natin ang Trabaho Para Sa Bayan na naglalayong bumuo ng komprehensibong plano para sa labor and employment na may kaakibat na pagsuporta sa maliit na negosyo,” saad ni Villanueva.

“Atin pong panindigan ang polisiyang malayang kagustuhan ang maghanapbuhay sa ibang bayan at hindi kapit-sa-patalim kahit na meron na tayong binuong DMW, na sumasagot sa mga pangangailangan ng ating mga OFWs,” dagdag niya.