Binigyang-diin ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan nitong Linggo, Abril 30, na kinakailangan nang ibalik ang school calendar sa dati, kung saan bakasyon ang buwan ng Abril at Mayo, dahil umano sa init ng panahon.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Libanan na maraming mga bata mula sa mahihirap na pamilya, kabilang na ang mga benepisyaryo ng 4Ps, ang naglalakad pa nang malayo makarating lamang sa kanilang eskwelahan.
“The prolonged physical exertion, combined with the agonizing heat, puts them at risk of heat exhaustion,” ani Libanan.
“We are all for the immediate return to the old school calendar with the least possible disruption to classes,” dagdag niya.
Nauna nang nanawagan si Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list Rep. France Castro sa Department of Education (DepEd) na ibalik na sa dati ang school calendar dahil sa init na panahon at kakulangan ng air-conditioning units sa mga silid-aralan para sa mga estudyante.
BASAHIN: ‘Dahil sa init ng panahon’: ACT Rep. Castro, nanawagang ibalik sa dati ang school calendar
Sinabi naman kamakailan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na pinag-aaralan ng gobyerno ang pagbabalik sa pre-pandemic school calendar dahil sa nagpapahirap umano sa pag-aaral ang hindi init ng tag-araw.
Sa kasalukuyang school calendar, nagsimula ang 203 araw ng mga klase noong Agosto 22, 2022 at nakatakdang matapos sa Hulyo 7, 2023.
Matatandaang ang simula naman ng klase sa school year bago magpandemya ay Hunyo 3, 2019 at natapos noong Abril 3, 2020.