Viral ngayon sa TikTok ang post ni Jeffrey Paguio, 40, mula sa Sinipit, Cabiao, Nueva Ecija, tampok ang kanilang puno ng mangga kung saan ready-to-eat at nabalatan na ang mga bunga nito, at may kasama pang nakasabit na sawsawan.

Makikita sa TikTok video ni Paguio ang medyo madilaw nang nabalatang mga bunga ng mangga kasama ang naka-plastic na asin at sili.

“Yung bagoong, ginigisa pa lang,” saad naman niya sa video.

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Paguio na marami talagang bunga ang mga puno ng kanilang mangga kaya naman palagi raw itong target ng mga bata sa kanilang lugar.

Human-Interest

Mahanap kaya? Lalaking hinahanap nawalay na biological parents, usap-usapan

“Sabi nung mga bata nanakawin nila sa isang araw mga mangga namin,sabi ko pwede naman kayo manghingi bakit kailangan pa ninyong nakawin,tapos naisip kong balatan para pag may kumuhang bata makikita nilang nakabalat na agad,” kuwento ni Paguio.

Matapos umano niyang makapagtalop ng ilang pirasong mangga sa mismong puno, agad daw itong kinuyog ng mga bata na tuwang tuwa sa kanilang nakita.

“May bantay po kasi ‘yung farm namin. Pagkapost ko po, ang sabi niya, sinugod talaga ‘yung mangga ng mga bata. Ang sabi ko naman, bigyan nila pero wag na lang ubusin dahil may nanghihingi pang iba,” ani Paguio.

Maging ang mga netizens na nakapanood sa post ni Paguio ay takam na takam din sa nabalatang mangga.

Tanong ng netizens: “Saan po ang location, kuya, pwede rin makahingi?”

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 172,300 reactions, 5,483 comments, at 5,620 shares ang naturang TikTok video ni Paguio.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!