Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes, Abril 28, na isang guro mula sa Ilocos Region ang ikalimang pararangalan ng prestihiyosong 2023 Princess Maha Chakri Awards (PMCA) sa bansa.

Ayon sa DepEd, pararangalan si Jerwin O. Valencia, Teacher III ng Digras National High School sa Ilocos Norte, ng PMCA bilang pagkilala sa kaniyang pambihirang kontribusyon pagdating sa edukasyon at sa kaniyang mga adbokasiya para sa sustainable community.

Matatanggap umano niya ang parangal sa Oktubre 17 sa bansang Thailand.

“May layuning lumikha ng isang sustainable na komunidad para sa kanyang mag-aaral at mga pamilya nito, inilunsad ni Valencia ang Backyard to Kitchen Project Year 2, kung saan tinutulungan niya ang mga benepisyaryo na bumuo ng kanilang sariling mga hardin sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga punla upang makabuo sila ng BIN-I (mga buto) na magagamit nila para sa susunod na pananim, na siyang dahilan ng pagiging sustainable ang proyekto,” saad ng DepEd.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

“Nilikha rin niya ang proyektong Ayat Para Iti Arapaap (Gift of Love for a Dream), na naglalayong hikayatin ang mga bata na magsikap pa para sa kanilang pag-aaral, tulungan sila sa kanilang pag-aaral, kabilang na ang mental health at emosyonal na aspekto sa pamamagitan ng tulong ng mga indibidwal, at bumuo ng mga kasanayan at relasyon ng mga bata sa pamamagitan ng sining at paglikha,” dagdag nito.

Samantala, pinasimulan din umano ni Valencia ang Project Wag MATHakot, kung saan nagbibigay ito sa mga mag-aaral ng “pagkakataon para sa on-task activity sa pamamagitan ng mga laro at makabagong teknolohiya na aktibidad, at Project MATH (Make A Tremendous Help), na kinabibilangan ng praktikal na aplikasyon ng Mathematics, tulad ng pagbuo ng mga kahon ng halaman sa iba't ibang hugis at mga recyclable na materyales upang mapaunlad ang kanilang kamalayan sa kapaligiran.”

Bukod sa pagiging guro sa Matematika, si Valencia ay isa rin umanong reservist ng Philippine Air Force at Boy Scout of the Philippines Disaster Risk Reduction Management Coordinator.

Ayon sa DepEd, ang Princess Maha Chakri Award ay ibinibigay nang isang beses kada dalawang taon bilang pagkilala sa mga gurong bumabago sa buhay ng mga estudyante, partikular na ang mga mahihirap.

Layon din umano nitong isulong ang mga kasanayan na magbibigay-inspirasyon at magsisilbing halimbawa para sa iba pang mga guro sa Southeast Asia.

Mula noong 2015, apat na Pilipinong guro na, ayon sa DepEd, ang nakatanggap ng PMCA: sina William Moraca mula sa General Santos City (2015), Jesus Insilada ng Iloilo City (2017), Sadat Minandang mula sa Cotabato City (2019), at Marcelo T. Otinguey ng Benguet (2012).