Dumating na rin sa bansa nitong Biyernes ang dating NBA player na si Yao Ming upang saksihan ang gaganaping FIBA World Cup Draw 2023 sa Araneta Coliseum sa Quezon City sa Sabado, Abril 29.

Nitong Abril 26 ay dumating din sa Pilipinas si Dirk Nowitzki (Germany), at sumunod naman si Luis Scola (Spain) nitong Huwebes, Abril 27, upang dumalo sa naturang seremonya.

Kabilang ang Pilipinas sa magiging host ng 18th ng torneo sa kauna-unahang pagkakataon, kasama ang Japan at Indonesia.

Ito rin ang unang beses na tatlong bansa ang magsisilbing host para sa FIBA World Cup.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Sa huling torneo, ang China ang naging host ng torneo noong 2019.

Matatandaang gumawa ng kasaysayan si Ming para sa Asya at China sa mga nakaraang international sports events sa kanyang kapanahunan. Ibinilang din siya sa Basketball Hall of Fame noong 2016.

Dati namang naging manlalaro ng Dallas Mavericks si Nowitzki at kasalukuyang board member ng FIBA Players’ Commission habang si Scola ay kilalang manlalaro sa Argentina na nag-uwi ng Olympic gold noong 2004.

Ang mga qualifier ay maglalaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay mula Agosto 25 hanggang Setyembre 10.