Ipinahayag ni House Speaker Martin Romualdez nitong Biyernes, Abril 28, ang kaniyang pangamba na maaaring nahihirapan umano ang mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) na irehistro ang kanilang mga SIM card.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Romualdez na bukod sa nahihirapang magparehistro ang mga pamilya sa mga probinsya, maaaring hindi rin umano sila malay sa nasabing SIM registration.

Naniniwala rin ang kongresista na maraming OFW at kanilang mga pamilya sa bansa ang gumagamit ng mga unlisted prepaid SIM dahil sa convenience umano ng pagkuha nito.

"Let us assist [OFWs] and their families to register. Their mobile phones are their principal means of communicating and connecting to each other. The thought that they could instantly make audio-video calls eases the pain of being thousands of miles away from home and from their loved ones,” saad ni Romualdez.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Nararapat umanong tulungan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC) at mga telcos sa pagbibigay ng impormasyo sa mga OFW at kanilang pamilya hinggil sa alituntunin ng registration.

Hinikayat din ni Romualdez ang telcos na abutin ang malalayong lugar upang humanap ng mga taong bibili ng kanilang mga SIM at tulungan silang magparehistro upang maipagpatuloy nila ang paggamit ng kanilang cellular phone service.

“Let us help millions of Filipinos who have mobile phones, but who still have not registered their SIMs as required by law, to register. Let us make it easier for them to take advantage of the 90-day registration extension granted by President Ferdinand Marcos Jr.,” saad ni Romualdez.

Matatandaang mula sa Abril 26 na deadline nito, pinalawig ng pamahalaan noong Martes, Abril 25, nang 90 pang araw ang deadline ng SIM registration sa bansa.

BASAHIN: SIM Registration, pinalawig nang 90 pang araw – Remulla

Inaprubahan umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naturang pagpapalawig ng SIM registration period dahil sa natitirang 20 milyon na hindi rehistradong SIM card at mababang turnout sa mga malalayong probinsya.