Nangako ang Department of Education (DepEd) nitong Huwebes, Abril 27, na lalahok sila sa mga magiging pagdinig sa panukalang palitan ang K to 12 education program ng “K + 10 + 2”.
“DepEd commits to participate in the congressional hearings on the proposed bill,” saad ni DepEd Spokesperson Michael Poa nang tanungin ang komento sa “K+ 10 +2” proposal o House Bill No.7893.
Ang nasabing panukala ay inihain ni House Senior Deputy Speaker at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nitong Miyerkules, Abril 26.
Sa ilalim ng House Bill No. 7893, nakasaklaw pa rin sa basic education ang kindergarten, anim na taon sa elementarya, at apat na taon sa sekondarya. Ngunit hindi na umano kasama rito ang dalawang taong senior high school.
Gayunpaman, pagkatapos ng apat na taon sa high school, ang mga mag-aaral na kukuha umano ng professional degree studies tulad ng “accounting, engineering, law, at medicine” ay magkakaroon ng dalawang karagdagang taon sa post-secondary o pre-university education upang ihanda umano sila sa kolehiyo.
BASAHIN: Arroyo, nais palitan ang K to 12 curriculum ng ‘K + 10 + 2’
Samantala, sinabi ni Poa na patuloy pa rin ang kanilang pagsusuri sa K to 12 curriculum, partikular na ang Senior High School program.
Nailathala na rin umano ang K to 10 curriculum guide “para sa mga komento”.