Ipinahayag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel nitong Lunes, Abril 24, na dapat maglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng direktiba na naglalayong bigyan ng ‘work break’ ang outdoor workers tuwing mataas ang heat index sa kanilang lugar.
Sa isang panayam, binanggit ni Pimintel ang sitwasyon ng manggagawa tulad ng construction workers, street sweepers, at traffic enforcers.
Nararapat umanong masuspinde ang kanilang mga trabaho tuwing mag-aanunsyo ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Atmospheric Services Administration (PAGASA) ng "very high temperature levels" sa kanilang lugar para sa kanilang kaligtasan at kalusugan.
Binigyang-diin din ng senador na dapat malinaw ng DOLE na mababayaran pa rin ang mga manggagawa sa kabila ng pagkasuspinde ng kanilang trabaho tuwing mataas ang heat index.
Ipinunto naman ni Pimentel na ang pagsususpinde sa trabaho ay hindi magkakaroon ng malaking epekto sa kanilang trabaho o sa ekonomiya dahil hindi umano ito gagawin araw-araw.
Noon lamang linggo, Abril 23, inanunsyo ng PAGASA na pitong mga lugar sa bansa ang nagtala ng mga heat index na umabot sa “danger” level.
BASAHIN: Heat index sa 7 lugar sa bansa, umabot sa ‘danger’ level
Ayon sa PAGASA, ang heat index ay ang pagsukat kung gaano kainit ang nararamdaman kapag ang “humidity” ay isinasama sa aktwal na temperatura ng hangin.