"Uy, nagkaroon ba ng problema sina Alden Richards at Bea Alonzo towards the end ng kanilang serye?"

Ito kaagad ang tanong ni Cristy Fermin sa kaniyang co-host na si Romel Chika, nang dumako na sila sa isyu ng umano'y pagkaka-shelved na raw ng movie project ng dalawang Kapuso stars, na nauna pang pag-usapan noon bago pa ang opisyal na paglundag ni Bea sa Kapuso Network noong 2021.

Sey naman ni Romel, walang nakatitiyak pero ito raw ang hula ng karamihan sa mga naglabasang blind items tungkol sa dalawang sikat na personalidad na ayaw na yatang makatrabaho ang isa't isa.

Nabanggit pa ni Cristy na ayon sa mga lumalabas na ulat, ang itinuturong dahilan daw ay may kinalaman sa ugali o attitude, at ang natuloy ay ang kauna-unahang proyekto nina Alden Richards at Kapamilya star Julia Montes.

Pelikula nina Bea, Alden di na raw tuloy dahil daw sa di-pagkakaunawaan?

"May mga nagbanggit na kaya raw po hindi natuloy yung proyekto ng GMA kina Bea at Alden ay dahil nagkaroon ng problema… ugali raw ang dahilan, attitude ano? Kaya raw ang natuloy, Julia Montes at saka Alden Richards."

"Hindi pa nga tampuhan ang ginamit na termino kundi 'There must be an attitude or behavioral problem. Kanino kaya? Sino kaya sa kanilang dalawa ang nagkaroon daw ng attitude na hindi maganda?"

Tanong tanungin ni Cristy ang co-host na si Wendell Alvarez kung sa palagay niya, sino sa dalawa ang may attitude problem, sinabi nito na palagay niya, hindi si Alden.

"Palagay ko si Bea. Si Bea kasi, kilala naman natin may dugo siyang foreigner 'di ba, alam mo naman kung minsan, kung may dugo kang ibang lahi, parang lumalabas sa dugo mo 'yan, kung ano yung pinakaugali nila doon, lumalabas…"

Parang ibig sabihin ni Wendell, kung ano raw ang pagkanaturalesa ni Bea ay baka lumabas na.

Pakiramdam ni Cristy, mukhang fake news o alibi na lamang ito sa iba pang dahilan ng producers kung bakit hindi na ito natuloy.

Sa mga darating na araw daw ay tiyak na malalaman daw ang totoo tungkol dito.

Matatandaang napaulat dito sa Balita ang bersyon naman na kaya raw shelved na ito ay dahil sa hindi pagkakaunawaan nina Alden at Bea.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang GMA Network at kampo nina Bea at Alden tungkol sa mga isyung ito. Bukas ang Balita para sa kanilang panig.