Iminungkahi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel sa Department of Education (DepEd) nitong Lunes, Abril 24, na maaari nilang gamitin ang kanilang ₱150 milyong confidential funds upang makabili umano ng mga electric fan para sa mga pampublikong paaralan sa gitna ng init na nararanasan ngayon sa bansa.

Sa isang panayam, sinabi ni Pimentel na ang pamamahagi ng electric fan sa mga pampublikong paaralan ay naglalayong maprotektahan ang mga mag-aaral mula sa matinding init ng panahon.

Pinili naman umano ni Pimentel ang electric fan dahil mahal ang air-conditioning units.

Matatandaang isinantabi muna ng DepEd ang panukalang lagyan na ng air conditioners ang mga pampublikong paaralan sa bansa dahil umano sa “budget restrictions”.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

BASAHIN: Panukalang paglalagay ng aircon sa public schools, isinasaintabi ng DepEd

Ayon kay Pimentel maaaring bawasan ng mga awtoridad ng DepEd ang ₱150 milyong confidential funds para sa DepEd na nakasama sa 2023 budget at pondo para maresolba umano ang Covid-19 pandemic.

Samantala, sinabi ni Pimentel na hindi dapat pumasok ang mga estudyante sa paaralan o dapat silang pauwiin nang maaga kapag sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nasa delikadong lebel ang init ng araw at dapat magkaroon ng make-up class.

Inabisuhan na rin ng DepEd ang mga paaralan na maaari silang magsuspinde ng face-to-face classes at lumipat sa modular distance learning kung matindi ang init ng panahon at walang kuryente.

BASAHIN: Klase, puwedeng suspendihin kapag mainit panahon, walang kuryente — DepEd

Tulad naman ng panawagan ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list Rep. France Castro, sinabi ni Pimentel na dapat ding isaalang-alang ng mga awtoridad ang pagbabalik school calendar kung saan ang bakasyon sa tag-araw ay sa mga buwan ng Abril at Mayo dahil sa init na panahon.

BASAHIN: ‘Dahil sa init ng panahon’: ACT Rep. Castro, nanawagang ibalik sa dati ang school calendar