Dahil sa balitang naging 'unresponsive' si Boobay sa kaniyang interview sa "Fast Talk with Boy Abunda" noong Abril 20, may payo ang batikang showbiz columnist at talent manager na si Lolit Solis.

Boobay, naging unresponsive sa interview sa 'Fast Talk'

Sa Instagram post ni Lolit nitong Abril 24, sinabi niyang nakakaawa umano si Boobay dahil kahit daw may sakit ay kailangan pa rin magtrabaho.

"Kawawa naman si Boobay , Salve. Kung kahit meron ng sakit kailangan parin mag trabaho. Dapat siguro isipin ni Boobay na mas unahin myna niya mag pagaling bago lumala ang sakit niya," saad ng talent manager.

"Mahirap ng maging seryoso pa ang lagay niya at baka kung ano pang masama ang mangyari. Mas mabuting gumaling muna siya, maging maayos ang lagay bago mag trabaho. Ang hirap ng bigla may mangyari sa iyo sa gitna ng trabaho. Mas mabuting maayos muna ang lagay niya, maganda na ang pakiramdam, healthy at talagang fit to work," dagdag pa niya.

Bukod dito, pinuri niya ang komedyante. Aniya talented at masarap daw itong kasama kaya naman sure siyang marami itong makukuhang trabaho. 

Ngunit payo lamang ni Lolit, unahin muna raw ni Boobay ang kaniyang sarili dahil health is wealth ika nga.

"Basta unahin mo muna ang katawan mo Boobay, make sure gagaling ka para mas maganda ang maging resulta ng lahat. Health is wealth, kaya kasabay ng pagyaman sa trabaho, mayaman din ang katawan healthy, para bongga."

Sa parehong interview, isiniwalat ni Boobay na makararanas talaga siya ng mga pag-"hang" dulot umano ng kaniyang pagkaka-stroke noong 2016, ayon sa kaniyang doktor.