Ipinag-utos na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad ng tatlong taong bisa o validity ng rehistro ng lahat ng mga bagong motorsiklo sa bansa.

Ipinaliwanag ni LTO chief Jose Arturo Tgade na sa kasalukuyang panuntunan na alinsunod sa Republic Act 4136 at Republic Act 11032, ang mga motorsiklong may makina o engine displacement na 201cc pataas lamang ang mayroong tatlong taong bisa ng initial registration sa ahensya.

Gayunman, kasunod ng ginawang pag-aaral ng ahensya ay nagdesisyon si Tugade na gawin na ring tatlong-taong bisa ng rehistro kahit sa mga motorsiklong may makina na 200cc pababa.

"It is hereby directed that initial registration of brand new motorcycles with engine displacement of 200cc and below shall be valid for three (3) years," bahagi ng Memorandum Circular No. JMT-2023-2395.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

"It is understood that the MVUC (Motor Vehicle User's Charge) to be collected during the initial registration shall likewise be adjusted to cover the corresponding registration validity period," ayon sa memo.

Bahagi pa rin ito ng mga hakbang ng LTO upang maging mabilis ang proseso at mapagaan ang mga transaksyon ng publiko sa ahensya.

"Hindi natin nakikita na magkakaroon ng problema sa roadworthiness ng mga motorsiklong may tatlong taong rehistro dahil ang mga ito naman ay bagong sasakyan," pahayag ni LTO Chief Tugade.

"Naniniwala kami sa LTO na ang hakbang na ito ay makakatulong sa maraming drayber na nagpapa-rehistro ng bagong motorsiklo para magamit sa kanilang hanapbuhay o trabaho," anang opisyal.

Kung pagbabatayan ang mga nakalipas na datos ng LTO, tinatayang dalawang milyon na bagong magpaparehistro ng motorsiklo na 200cc pababa ang makikinabang sa bagong polisiya na ito ngayong taon.

Ang memo ay magkakabisa sa Mayo 15, ayon pa sa LTO.