"Sana lang wala na namang tinamin, pero malamang may tinanim na naman ‘yan para magmukha akong masama. Sana lang wala.”

Ito ang pahayag ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo "Arnie" Teves Jr. nitong Biyernes, Abril 21, matapos niyang sabihin na ni-raid ang manukan ng kaniyang bahay.

Sa isang maikling video ni Teves, sinabi niyang may nagsabi raw sa kaniyang ire-raid na naman ang properties nila, hanggang sa ni-raid na umano ang manukan sa kaniyang bahay kahapon.

Binanggit din ng suspendidong kongresista ang umano’y “tinanim” sa kaniyang bahay upang magmukha raw siyang masama.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Ayon pa sa kaniya, kamakailan lamang sa nakaraang pag-raid sa kaniyang bahay ay kinatay umano ang kaniyang mga manok na panabong.

"Sa mga nagtanim na sa bahay, lubus-lubusin n’yo na. Damihan n’yo na ‘yung itanim n’yo. Sabay pag tumubo na, lumago, gawin n’yong showcase para baka makatulong naman sa produksyon ng buong bayan natin, ‘di ba?" ani Teves.

"Kayo na maturo sa mga farmers natin, kayo ang magaling magtanim eh, di ba? Lubus-lubusin n’yo ‘yang pagtatanim," dagdag niya.

Hindi naman binanggit ni Teves kung sino ang nag-raid sa kaniyang bahay na tinawag niyang “panggigipit” at “pang-aabuso” sa kapangyarihan.

"Dapat talaga mapuna na ‘to ng mga dapat magpuna. Hindi na ito tama. Hindi na ito maganda, at hindi ito magandang senyales para sa lahat,” aniya.

Isa si Teves sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla

Nasa ibang bansa pa rin siya at tumangging umuwi ng Pilipinas dahil sa banta umano sa kaniyang buhay.

Kamakailan lamang ay sinabi ni Teves na nakipag-ugnayan siya sa pinsan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbabakasakali umano niyang makausap ang pangulo dahil gusto na niyang umuwi.

BASAHIN: Teves, kinausap pinsan ni PBBM: ‘Gusto kong makausap si Presidente dahil gusto ko nang umuwi’

Sinabi rin ng suspendidong kongresista na wala siyang kinalaman sa pagpaslang kay Degamo.