Inaasahan ng China na mapabubuti ng pagbisita ng foreign minister at state councilor nitong si Qin Gang sa Pilipinas ang “mutual trust” at komunikasyon ng dalawang bansa sa gitna umano ng magkaibang pananaw sa West Philippine Sea.

Sa press briefing nitong Biyernes, Abril 21, ipinahayag ni Wang Wenbin, tagapagsalita ng Qin, na nakatakdang bumisita ang foreign minister sa Maynila ngayong Biyernes hanggang sa Linggo, Abril 23, kung saan inaasahang makikipagkita ito kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos.

Makikipag-usap din umano siya kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo para sa kanilang unang in-person meeting.

Ayon sa DFA, tatalakayin ng magkabilang panig ang mga usapin tulad ng pagpapataas at pagpapalakas ng kooperasyon sa larangan ng agrikultura, kalakalan, enerhiya, at imprastraktura, maging ang “regional security issues of mutual concern”.

National

Asawa ni Harry Roque, pinaaaresto na rin ng Kamara

Inaasahan umano ng Beijing na maayos na pangangasiwaan ng dalawang bansa ang kanilang mga pagkakaiba, at palalalimin ang kanilang kooperasyon at relasyon sa isa’t isa.

Ito ay sa gitna ng mga agresibong aktibidad nito sa West Philippine Sea, na maaaring nagtulak umano sa Pilipinas na humingi ng suporta mula sa Estados Unidos.

Nito lamang ding Biyernes, kinumpirma ng White House na dadalo sa isang pagpupulong si Marcos sa Estados Unidos kasama si Pangulong Joe Biden sa Mayo 1 bilang tanda umano ng ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa sa gitna ng tensyon ng US sa China tungkol sa Taiwan.

Ito ay isang linggo pagkatapos ng pinagsamang US-Philippines military exercises sa pinagtatalunang West Philippine Sea.

BASAHIN: PBBM, makikipagpulong kay Biden sa gitna ng tensyon sa China