Patay ang isang limang taong gulang na Filipino-American matapos pagbabarilin umano ng mga miyembro ng isang gang ang sasakyang sinasakyan nilang pamilya, na napagkamalan lamang umano na kotse ng kaaway na gang sa Fremont, California.
Kinilala ang biktima na si Eliyanah Crisostomo.
Sa CBC report, sinabi ni California Highway Patrol Capt. Ezery Beauchamp na si Crisostomo at ang kaniyang pamilya ay papunta sa isang birthday party nang biglang tumigil sa harap nila ang sasakyan ng tatlong gang members at nagsimulang paputukan ang kanilang sasakyan noong Abril 8.
Sinabi ng pamilya sa mga imbestigador na bigla silang inatake ng isang pulang Honda Accord at tsaka sila pinagbabaril. Nakaupo umano ang biktima sa likurang bahagi ng sasakyan katabi ng kaniyang 11-buwang gulang na kapatid nang tamaan ito ng bala.
Agad namang naaresto ang mga suspek na kinilalang sina Humberto Anaya, Kristi Ayala Valderrama, and Emmanuel Sarango na pawang mga miyembro ng Surenyo Gang.
Sa interogasyon, sinabi ng mga suspek na napagkamalan nilang kotse ng kaaway nilang gang ang kotse na sinasakyan ng biktima.
Samantala, mahaharap sa 42 taong pagkakakulong ang mga suspek ayon kay Alameda County District Atty. Pamela Price.