Puspusan na ang ginagawang rerailment ng Philippine National Railways (PNR) sa nadiskaril nilang tren upang maibalik sa normal ang kanilang operasyon.

Sa update ng PNR nitong Miyerkules, nabatid na naitayo na nila ang tren matapos ang magdamagang pagtatrabaho ngunit hindi pa ito naibabalik sa riles.

Tiniyak naman nito na sa sandaling tuluyan nang mainkaril ang tren ay maaaring maibalik na sa normal ang kanilang biyahe.

Nitong Miyerkules, personal na ininspeksyon ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways Jorjette B. Aquino ang ongoing rerailment ng nadiskaril na tren, at restorasyon sa riles sa pagitan ng Dela Rosa at EDSA stations.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Anang PNR, simula alas-11:00 ng gabi nitong Martes, ay nasa site na si Aquino upang bantayan at siguruhing mabilis ang magiging tugon ng PNR sa sitwasyon.

Kasalukuyan na ring naglatag ang pamunuan ng PNR ng karagdagang tao sa site upang masiguro na tulong-tulong ang lahat ng kawani sa pagreresolba, at pag-iinkaril sa tren upang maibalik sa regular ang byahe sa lalong madaling panahon.

Labis naman ang pasasalamat ng PNR kina Aquino at Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Atty. Hernando T. Cabrera na nagpadala ng tulong mula Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at (LRT-2) para tumulong sa rerailment ng nadiskaril na tren, at restorasyon ng riles.

"Layunin ng pamunuan ng PNR na agarang maibalik sa normal ang operasyon sa lalong madaling panahon upang maserbisyuhan ang publiko mula Gov. Pascual hanggang Tutuban, at  Tutuban hanggang Alabang," anang PNR."

"Kasalukuyan nang naitayo ng mga kawani ng PNR simula kahapon ang tren. Kapag na-inkaril, agad na mag- aabiso ang pamunuan sa posibleng pagbabago sa ating iskedyul," dagdag pa nito.

Samantala, nag-anunsiyo na rin ang PNR na may ilang tren pa rin silang bibiyahe ngayong Miyerkules ng hapon at gabi, sa mga rutang hindi apektado ng naganap na train derailment.

Kabilang dito ang mga sumusunod: 

> TUTUBAN TO DELA ROSA - 2:16 PM; 3:06 PM; 4:06 PM; 5:16 PM; 6:16 PM; 7:56 PM; 8:36 PM

> DELA ROSA TO TUTUBAN - 3:13 PM; 4:03 PM; 5:03 PM; 6:13 PM; 7:13 PM; 8:53 PM; 9:33 PM

> TUTUBAN TO GOV. PASCUAL - 4:21 PM

> GOV. PASCUAL TO TUTUBAN - 7:40 PM

> GOV. PASCUAL TO DELA ROSA - 5:14 PM

> DELA ROSA TO GOV.PASCUAL - 6:33 PM

> LUCENA TO SAN PABLO - 5:50 PM

> CALAMBA TO SAN PABLO- 6:30 PM

> NAGA TO SIPOCOT - 3:30 PM

> SIPOCOT TO NAGA - 12:00 PM; 4:50 PM

Matatandaang dakong alas-11:20 ng tanghali nitong Martes nang madiskaril ang isang PNR train, sa Don Bosco Crossing sa Makati City, sa pagitan ng Pasay Road at EDSA Stations.

Bumibiyahe lamang umano ang tren sa bilis na 20 kph nang maganap ang insidente.

Dahil dito, nalimitahan ang biyahe ng mg tren.

Ligtas naman ang nasa 400 pasaherong sakay ng nadiskaril na tren. 

Masusi nang iniimbestigahan ng PNR ang dahilan ng derailment.