Sumasang-ayon si Sen. Bam Aquino sa ideyang maging ambassador para sa turismo ng Pilipinas ang tinaguriang "The Nation's girl group" na BINI.
Matatandaang pormal na kinilala ng Senate of the Philippines noong Miyerkules, Mayo 6, 2026, ang BINI matapos nitong gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Filipino act na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa California, USA noong Abril.
Personal na humarap ang walong miyembro ng grupo plenaryo ng Senado kaugnay ng pagpapatibay ng Resolution No. 370 na inakda ni Aquino.
KAUGNAY NA BALITA: BINI, kinilala ng Senado matapos ang makasaysayang pagtatanghal sa Coachella
Ayon naman sa naging pahayag ni Aquino matapos ang naging sesyon nila sa Senado noon ding Miyerkules, sinabi niyang isa maituturing na lakas ng bansa ang creative industry kaya kinakailangan daw itong mabigyan ng sapat na pondo at suporta.
Ani Aquino, naalala niya raw ang dinaluhan niyang conference noong 2008 na pinangunahan ng isang Korean Prime Minister at kinuwento ng huli ang naging pagpapahalaga ng bansang Korea sa mga industriya ng K-pop at K-drama.
“I remember in 2008 going into a conference na nagsalita ‘yong Korean Prime Minister. Talking about K-pop, talking about Kdrama, kung paano nila ginawa into filler in their economy ‘yong creative industries nila,” aniya.
Diin pa niya, “Makikita natin in 20 year or less than 20 years, nagawa nga nila.”
Anang senador, kayang kaya rin daw gawin ng Pilipinas ang naging pagsusulong ng Korea sa kanilang creative industry dahil mas marami na raw mga Pilipino ngayon ang handang ipakita ang kultura ng bansa sa buong mundo.
“So ‘yong nagawa nila doon, kayang kaya nating gawin ‘yon. After all, we have even more talented people here, even more passionate Filipinos here willing to share our culture,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Maganda nga gawing haligi ito ng ating ekonomiya at bigyan ng tamang suporta.”
Pagpapatuloy ni Aquino, pabor daw siyang maging ambassador for tourism ang BINI dahil sila raw ang pinakamagandang modelo para ipakita ang kakayahan ng mga Filipino artist sa buong mundo.
“Why not? Let’s do it! Let’s do it, gawin natin. I think BINI and so many other Filipino artist, sila ‘yong ilabas natin, ipakita natin sa mundo. They are the best foot forward for the rest of the world,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon o reaksyon ang BINI kaugnay sa nasaad na ito ni Aquino.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Mabuhay ang musikang Pilipino!’ BINI, tinanggap parangal na ‘Global Force Award’ sa Billboard Women in Music 2026
KAUGNAY NA BALITA: 'So it begins!' BINI, nakatakdang mag-world tour ngayong 2026!