May 22, 2026

Home SHOWBIZ Musika at Kanta

BINI, kinilala ng Senado matapos ang makasaysayang pagtatanghal sa Coachella

BINI, kinilala ng Senado matapos ang makasaysayang pagtatanghal sa Coachella
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT) via ABS-CBN News

Pormal na kinilala ng Senate of the Philippines ang tinaguriang "The Nation's girl group" na BINI matapos nitong gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Filipino act na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa California, USA noong Abril.

Personal na humarap ang walong miyembro ng grupo sa Senado sa plenary session nitong Miyerkules, Mayo 6, 2026, kaugnay ng pagpapatibay ng Resolution No. 370 na inakda ni Sen. Bam Aquino.

Kasama ng grupo ang kanilang manager na si Direk Laurenti Dyogi ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng tagumpay ng grupo sa pandaigdigang entablado.

“For the first time, a Filipino group performed at one of the largest and most famous music festivals in the world. We can say that this success is a reflection of Filipino talent and skill on the global stage,” ani Aquino.

Musika at Kanta

Hollywood Pop Star Katy Perry, napansin ang 'Thinking of You' cover ni Jayda Avanzado

Ayon pa sa senador, mahalagang ipagdiwang ang tagumpay ng BINI sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng bansa.

“BINI's success is a victory to be celebrated amidst the challenges and crises facing our country. During their performance at Coachella, they showcased our Filipino pride by incorporating traditional ad elements of 'Pantropiko' into their costumes, music, and choreography. The cherry on top was when BINI introduced themselves in their native languages,” dagdag niya.

Sa ilalim ng resolusyon, kinilala ng Senado ang ambag ng mga artistang Pilipino na nagbibigay karangalan sa bansa sa pamamagitan ng kanilang natatanging tagumpay sa international stage.

Binubuo ang BINI nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena.

Itinampok din sa resolusyon ang performances ng grupo sa Coachella noong Abril 10 at 17, 2026. Inilarawan ang music festival bilang isa sa pinakamalaki at pinakakilalang music festivals sa buong mundo na dinadaluhan ng mahigit kalahating milyong tao kada taon.

Bukod sa “Pantropiko,” kabilang din sa kanilang 10-song setlist ang ilan sa kanilang mga kilalang awitin gaya ng “Shagidi,” “Salamin-Salamin,” at “Karera.”

“BINI's performance showcased Filipino pride through the use of traditional elements, including the salakot and tropical-inspired attire, as well as a fusion of contemporary and traditional styles in their costumes, music, and choreography,” saad pa ni Aquino sa resolusyon.

Dagdag pa niya, ang tagumpay ng grupo ay naaayon sa layunin ng estado na suportahan at paunlarin ang creative industries bilang mahalagang bahagi ng innovation, employment, at inclusive growth sa bansa.