Mariing itinanggi ni Senador Ronald ‘’Bato’’ dela Rosa nitong Martes, Abril 18, ang mga alegasyong “bayad” at “tuta” umano siya ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr.

Isa si Teves, na hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi ng bansa, sa mga tinuturong mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walo pang nadamay sa harap ng bahay nito sa bayan ng Pamplona noong Marso 4.

BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla

Sa pangalawang araw ng pagdinig ng Senate Public Order and Dangerous Drugs committee kanina hinggil sa pag-ambush kay Degamo, binanggit ni dela Rosa ang mga “malisyosong alegasyon” na kumakalat umano sa social media, lalo na sa Negros Oriental.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

“Ako daw, being the chairman of this committee is biased to the Teves because ako daw ay bayad na ni Teves. Ako daw ay tuta ni Teves,” saad ni dela Rosa na siyang chairman ng nasabing komite.

“I would answer that allegation na hindi po ako kaya bayaran kahit gaano kayaman ni Teves, hindi po kaya akong bayaran ng kahit sino man,” saad pa niya. “So ‘yun po ang aking disclaimer. Hindi po ako nababayaran, hindi po ako naging tuta, at hindi po ako related sa mga Teves. Maraming salamat."

Pinasinungalingan din ni dela Rosa na ang tiyahin ng kaniyang asawa sa isang Teves na naninirahan sa Dumaguete City ay may kaugnayan sa mga Teves ng Bayawan City na matatagpuan 200 kilometro mula sa Dumaguete City.

Ayon sa senador, ang tiyahin ng kaniyang asawa ay kamag-anak ng mga Teves na may lahing Espanyol at mga inapo ni Serafin Teves, habang ang pamilya naman ni Rep. Teves, ay kamag-anak ni Herminio Teves na naka-base sa Bayawan City.

Sinang-ayunan naman ito ni Senate Majority Leader Joel Villanueva at sinabing walang sinumang makasusuhol kay dela Rosa.

Sinabi rin naman ni Pamplona Mayor Janice Degamo sa nasabing pagdinig na nagtitiwala sila sa kapasidad ni dela Rosa na hindi pagiging patas ito sa pagdinig sa nasabing kaso.