Siniguro ng pamahalaan ng Pilipinas na mayroon itong mga hakbang upang matiyak umano ang kaligtasan ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Taiwan sa gitna ng mga kontrobersyal na pahayag ng nangungunang diplomat ng China sa Manila.

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes, Abril 17, ibinahagi nito na nakalagay ang mga contingency plan sa lahat ng lugar kung saan mataas ang bilang ng mga OFW.

Binanggit ito ng DFA matapos ang pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na nagsabing dapat tutulan ng Pilipinas ang pag-angkin ng Taiwan ng kasarinlan mula sa China at huwag pasiklabin ang isyu kung talagang nagmamalasakit ito sa 150,000 OFWs doon.

"The DFA is committed to the promotion of the welfare and security of all overseas Filipinos, including migrant workers," saad ng ahensya.

National

Hontiveros sa Chinese envoy: ‘Pack up and leave’

Hinggil sa relasyong diplomatiko nito, sinabi ng DFA na ang pakikitungo ng Pilipinas sa lahat ng mga bansa ay palaging nakabatay sa paggalang sa isa't isa at pagsunod sa mga pangkalahatang prinsipyo ng international law.

Kabilang na umano rito ang prinsipyo ng hindi paggamit ng puwersa bilang instrumento ng pambansang patakaran.

Sinuportahan ng Pilipinas ang One-China Policy, kung saan iisa lamang ang sovereign state at pamahalaan sa ilalim ng pangalang China.

Ngunit ang suportang ito ay kinuwestyon kamakailan ni Huang matapos pumayag ng bansa na magbigay ng pinalawak na access ang mga militar ng kaalyado ng Taiwan na Estados Unidos sa mga base militar ng Pilipinas.

Ayon kay Huang, ang mga ito ay nakaposisyon bilang tugon sa lumalalang relasyon ng Taiwan at China.

“We offer our friendship to all,” depensa naman ng DFA rito.

Joseph Pedrajas