Matapos ang ilang taong diskusyon, inaprubahan na ng pamahalaan ng bansang Japan nitong Biyernes, Abril 14, ang kontrobersiyal na planong magtayo ng unang legal casino nito, sa pag-asang makapanghihikayat umano ng mga turista.

Sa ulat ng Agence France Presse, planong maitayo ang naturang casino sa Osaka sa taong 2029.

Matagal na umanong hinihingi ng lokal na pamahalaan ng Osaka at Nagasaki sa kanlurang Japan na maaprubahan ang pagtatayo ng integrated resort (IR) facilities na binubuo ng mga casino, convention centers, hotels, restaurants at entertainment venues.

Ibinahagi naman ni Land and Transport Minister Tetsuo Saito na naaprubahan ang planong pagbubukas ng casino matapos umano ang sapat na pagsusuri dito.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Pinuri naman ni Prime Minister Fumio Kishida ang naturang plano at sinabing makatutulong ito upang maging isang base ng turismo ang rehiyon na magpapalaganap umano ng kagandahan ng Japan sa mundo.

Ayon sa pamahalaan ng Osaka, inaasahang dadagsain ang lugar ng 20 milyong bisita taun-taon mula sa loob at labas ng Japan, na siyang magbibigay ng 520 bilyon yen na benta, kung saan 80% nito ay magmumula umano sa mga casino.

Samantala, nagbabala naman ang mga kritiko ng nasabing pagsasalegal ng casino at sinabing palalalain lamang nito ang suliranin ng bansa hinggil sa pagsusugal.

Ang Japan ay matagal nang nag-iisang maunlad na bansa na nagbabawal ng mga casino, ngunit noong 2016, nagpasa ito ng batas na nagbibigay-daan upang gawing legal ang industriya.

Noong 2018, nagpatupad ang parlyamento ng batas na nagpapahintulot sa pagtatayo ng mga pasilidad ng IR.