Kung usap-usapan ang "motivational rice" ng motivational speaker, content creator at negosyanteng si Rendon Labador, isang netizen naman ang tila "namotivate" dito at nagkaroon ng bersyon ng "motivational hotdog."

'Motivational Rice' ni Rendon, simbolo raw ng taong 'di sumusuko sa buhay

Makikita ang litrato ng motivational hotdog sa Facebook post ni "Ang Manuglibud" noong Abril 12.

"Ang motivational hotdog ay para sa taong lumalaban. Hahaha," aniya sa caption.

Makikitang kagaya ng motivational rice ni Rendon ay nagkakahalaga rin itong 100 piso. Ang kinaaliwan pa rito ng netizens, mali kasi ang spelling niya ng "cheese."

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Pabili ng Chess w/free Hotdog."

"Namotivate na yata 'to ni Rendon Labador hahaha."

"Unang kagat, CHECKMATE agad!"

"Kabahan ka na Rendon."

Ayon sa panayam ng Balita sa uploader na si Elvis Amiga mula sa EB Magalona, Negros Occidental, ito ay katuwaan lamang daw niya at hindi niya akalaing magba-viral.

Siya ay isang maglalako ng kakanin bilang kaniyang ikinabubuhay.

"Nagtitinda po ako ng kakanin. Minsan nilalako ko. Ang Manuglibud po na page is a Hiligaynon word for 'naglalako,'" paliwanag ni Elvis.

Sa kaniyang FB reels ay ipinakita niyang siya rin naman ang kumain ng kaniyang motivational hotdog.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!