Isang Chinese na lalaki na umano'y gumahasa sa isang transgender na babae ang inaresto ng mga miyembro ng Parañaque police Tambo substation nitong Biyernes, Abril 14.

Ayon kay Col Renato Ocampo, city police chief, kinilala ang suspek na si Zhou Bing Jie, alyas Feng Chen, 35.

Siya ay naaresto dakong alas-11:45 ng gabi sa isang hotel na matatagpuan sa kahabaan ng Barangay Tambo, Parañaque City.

Batay sa ulat ng pulisya sa Southern Police District (SPD), ang 24-anyos na biktima at ang suspek ay nakipagtalik sa loob ng kanyang inuupahang hotel room.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Matapos ang kanilang pagtatalik, nais umano ng suspek na makipagtalik muli. Gayunpaman, tumanggi na ang biktima. Nagsagawa umano ng panibagong sekswal na gawain ang suspek sa biktima na labag sa kanyang kalooban.

Sinabi ng pulisya na nasaksihan ng isang security guard ng hotel ang pagtatalo ng biktima at suspek, kung saan nakitang hinagis ng suspek ang cellular phone ng biktima.

Agad namang humingi ng tulong sa pulisya ang guwardiya dahilan para maaresto ang suspek.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa police custodial facility.

Ang kaso ay isinangguni sa Women and Children’s Protection Desk ng pulisya para sa naaangkop na pagsasampa ng mga kaso.

Jean Fernando