Mula Negros Oriental, lumipad patungong Manila si Negros Oriental Mayor Janice Degamo, asawa ng pinaslang na si Gov. Roel Degamo, at 40 iba pa upang lumahok umano sa pagdinig ng Senado at Department of Justice (DOJ) hinggil sa pagpaslang sa gobernador at walo pang nadamay.

Sa ulat ng Philippine News Agency, sumakay ang grupo sa Philippine Air Force C-130 aircraft sa Dumaguete-Sibulan Airport sa Dumaguete City bandang 10:30 ng umaga nitong Sabado, Abril 15.

Namataan umano sa nasabing paliparan ang ilang nakaligtas at pamilya ng mga nasawing biktima sa nangyaring masaker kay Degamo noong Marso 4.

BASAHIN: Negros Oriental Gov. Degamo, pinagbabaril, patay!

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Kasama rin nila ang mga kamag-anak ng mga nakaraang insidente ng pamamaril, kabilang na ang isang nauugnay sa isang pinaslang ng media practitioner.

Ayon kay Mayor Degamo, nakatakda silang lumahok sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa Lunes, Abril 17, at sa DOJ proceedings.

Bukod sa nakasentro ang mga imbestigasyon sa kaso ng pagmasaker kay Gov. Degamo, iimbestigahan din umano ang ibang nangyaring mga patayan sa probinsya ng Negros Oriental na sinabi ng alkalde na karamihan sa mga ito ay magkakakonekta.

Binigyang-diin naman muli ni Mayor Degamo na “unfair” ang pagpayag kay Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na lumahok sa naturang pagdinig sa Lunes sa pamamagitan lamang ng video conference, samantalang sila umano ay bumiyahe pa mula probinsya.

BASAHIN: Teves, lalahok sa pagdinig ng Senado sa Degamo-slay case – Sen. Bato

Isa si Teves sa mga tinitingnang mastermind sa nasabing pagpaslang sa gobernador at walo pang nadamay.

BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla

Hindi pa rin nakababalik sa Pilipinas si Teves sa kabila ng pag-exipre ng official travel abroad nito noong Marso 9. Kamakailan ay sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na maaaring nasa bansang Cambodia pa ito.

BASAHIN: Teves, maaaring nasa Cambodia pa – Sec Remulla