Naging emosyunal at malaman ang mensahe ng TV host-impersonator at ngayon ay certified actress na si Jervi Li a.k.a. "KaladKaren" matapos niyang ibigay ang acceptance speech, nang magwaging "Best Supporting Actress in a Supporting Role" para sa pelikulang "Here Comes the Groom," para sa kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong 2023.

Hindi lamang tagumpay ni KaladKaren ang kaniyang nakamit kundi tagumpay na rin ng LGBTQIA+ community dahil sa inclusion niya sa nasabing kategorya. Sa pagkapanalo niya, nagmarka na siya sa kasaysayan ng showbiz matapos maging kauna-unahang transwoman na nanalo sa kategoryang ito sa MMFF.

HERSTORY! KaladKaren, kauna-unahang transwoman na nagwagi bilang ‘Best Supporting Actress’ sa MMFF

Kaya naman mensahe niya sa LGBTQIA+ kids na maagang namulat at malay sa kanilang sexual identity, "Thank you also sa lahat ng mga batang nangangarap, mga LGBTQIA+ na kids. Mga batang beki, 'wag kayong matakot maging kayo, 'wag kayong matakot mangarap because one day, hindi niyo alam, kayo rin ang nandirito. Sana 'wag po nating kalimutan 'yung mensahe ng aming pelikula, hindi po ang inyong hitsura at kasarian ang mahalaga kundi ang inyong puso at kaluluwa."

Agad na pinalitan ni KaladKaren ang kaniyang profile photo sa Facebook at nilagyan ng caption na "Metro Manila Film Festival Best Supporting Actress 2023!!!😭😭😭"

"First ever transgender woman to be nominated and win in this category. TO GOD BE THE GLORY!"

Sa isa pang hiwalay na Facebook post ay ibinahagi ni KaladKaren ang video clip ng kaniyang acceptance speech, mula kay Kapamilya actor Enchong Dee.

Makikitang emosyunal na tinanggap ni KaladKaren ang kaniyang parangal.

"My FULL ACCEPTANCE SPEECH!!!!!! Summer Metro Manila Film Festival 2023, Best Supporting Actress!"

"Maraming maraming salamat po sa inyong lahat! ❤️🌈🏳️‍⚧️ Mabuhay ang TRANSGENDER COMMUNITY! Mabuhay ang LGBTQIA+ community! Mabuhay ang pelikulang Pilipino!" aniya pa.

Special mention sa kaniyang talumpati ang direktor, cast at production staff and crew ng pelikula, ang mga kaibigang sina Awra Briguela, ang kauna-unahang transwoman best actress na si Iya Mina (Cinema One Originals), si Unkabogable Phenomenal Star Vice Ganda, at ang kaniyang fiance na si Luke Wrightson.