Sinampahan ng dalawang kaso ng graft sa Sandiganbayan si dating Quezon City mayor Herbert “Bistek” M. Bautista at noo’y city administrator Aldrin C. Cuña dahil sa umano’y iregularidad sa mga proyektong aabot sa P57.4 milyon sa ilalim ng kanilang pamamahala.

Ang dalawang kaso ay inihain ng Office of the Ombudsman (OMB).

Ang unang kaso, na itinalaga sa ikatlong dibisyon ng anti-graft court, ay kinabibilangan ng P25.34 milyon na ibinayad sa Cygnet Energy and Power Asia, Inc.

Nakasaad sa criminal charge sheet na binayaran nina Bautista at Cuña ang kabuuang halaga sa Cygnet para sa Supply and Installation of Solar Power System and Waterproofing Works for Civic Center Building.

Calatagan, Batangas, niyanig ng 5.4-magnitude na lindol

Ang Cygnet, gayunpaman, ay hindi umano karapat-dapat sa bayad para sa napaulat na kabiguan nitong ma-secure ang Net Metering System mula sa Manila Electric Company na naging requirement ng Supply and Delivery Agreement.

Ang pangalawang kaso ay napunta sa ikapitong dibisyon. Sangkot dito ang pagbabayad ng P32.1 milyon sa Geodata Solutions, Inc. para sa online occupational permitting at tracking system.

Ngunit nakasaad sa kaso na walang maayos na ordinansa mula sa Sangguniang Panglungsod at wala ring kumpletong paghahatid ng mga produktong nakuha.

Inirekomenda ng OMB ang piyansang P90,000 para sa bawat isa sa dalawang kaso.

Hindi pa naipaalam kung kailan sisimulan ng dalawang dibisyon ng Sandiganbayan ang pag-proseso ng korte sa dalawang kaso.

Czarina Nicole Ong Ki