Isiniwalat ng Philippine Ports Authority (PPA) nitong Martes, Abril 11, na umabot sa 1.6-milyon ang bilang ng naitalang mga pasahero sa mga pantalan sa bansa nitong Semana Santa.

Sa tala ng PPA, tinatayang 1,628,950 ang kabuuang bilang ng mga pasahero mula Abril 2 hanggang Abril 10 ngayong taon. Nasa 24% umanong mas mataas ito kumpara sa 1.3-milyong naitalang pasahero noong nakaraang taon.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, tumaas na muli ang bilang ng mga pasahero dahil na rin sa mas lumuluwag na ang mga restriksyon mula noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

“Sa ngayon po unti-unti na tayong nakakabangon mula sa pandemic kaya tumaas rin po yung bilang ng mga kababayan natin na nag-byahe para makauwi ngayong semana santa. Ito rin po yung dahilan kaya’t 24/7 po kaming nakamonitor dahil mas kailangan tayo ng tao,” ani Santiago.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Pinakamarami naman umanong pasahero ang naitala kahapon, Abril 10, ang huling araw ng holiday dahil sa paggunita ang Araw ng Kagitingan. Naitala raw dito ang 253,154 bilang ng mga pabalik na pasahero.

Bukod sa pagpapanatiling ligtas ng mga pantalan noong Semana Santa, nagbigay rin umano ang PPA ng ayuda sa mga pasahero na nag-aantay ng kanilang mga byahe.

Ikinatuwa naman ni Santiago na wala umanong nangyaring hindi maganda sa pantalan ngayong Semana Santa.

“[M]eron man po tayong reklamong natanggap ay ito lang po yung sa mga hindi gumaganang online booking system ng mga shipping lines dyan sa Batangas port po at ipinagbigay alam na po natin ito sa MARINA, pero so far, masasabi po natin na naging maayos at payapa po ang Semana Santa 2023,” saad ni Santiago.

Hindi tulad noong Pasko at Bagong Taon, wala na umanong naitalang reklamo hinggil sa haba ng pila at hindi magkasyang mga pasahero partikular na sa Port of Calapan. Ito ay matapos nang mabuksan ang pinakamalaking passenger terminal building nito na kayang napakinabangan ng mahigit 3,500 na mga pasahero.

Una na rin umanong binuksan ang bagong Port Operations Building ng Masbate at ng Coron nitong Marso na naging malaking tulong upang hindi sumikip ang mga pantalan.

Saad pa ng PPA, wala ring naitalang hindi magandang insidente sa Port Management Offices sa buong Pilipinas mula Linggo ng Palaspas hanggang Pasko ng Pagkabuhay.