Laugh trip! Nahuli ang kiliti ng netizens sa viral video ng online personality na tila nagluluksa sa mga plano ng tropang hindi natuloy nitong nagdaang Holy Week.

Ito ang viral na gimik ng kilalang content creator na si Ychan kamakailan kung saan nakakaaliw na nilabas nito ang gigil sa aniya’y mga namatay na plano ng tropa.

“Tirik lang ako ng kandila. Walang patay. Walang patay, pero may patay na plano. ‘Yung plano naming ng mga barkada ko na swimming. Hindi matuloy-tuloy bie eh, lahat talk shi*,” bungad ng online personality.

Kung kasi ang marami ay nakapagpahinga at nakapagnilay nitong nagtapos na Kuwaresma, mukhang drawing pa rin ang kaso sa tropa ng online personality.

Kahayupan (Pets)

Chimpanzee, 7 buwan kinarga naaagnas na labi ng namatay na anak bago binitiwan

“Alam mo ‘yun, gagawa kayo ng GC para pag-usapan ang ‘yung swimming; saan ‘yung location; ilan ba tayo sasama; ano ‘yung mga lulutuin. Request-request pa kayo ng mga putahe na gusto niyo pang kainin. Eh hindi nga matuloy-tuloy ‘yung swimming kasi puro plano tayo,” sunod na saad ni Ychan.

Sa gigil na niya, sana’y naging engineer na anila sila lahat. LOL!

“Sana pala naging engineer na lang tayo lahat kasi puro lang naman tayo plano no? Gawa pa kayo ng GC. Alam niyo magli-leave na ‘ko. Ang wish ko na lang ngayon de, sana magkaroon ako ng barkada na hindi talk shi*,” pagtatapos niya sa video at sunod na pagpatay ng kandilang tinirikan.

Mukhang todo-relate naman ang netizens matapos agad na mag-viral ang video.

Dagdag gatong pa sila sa mga hirit ng online personality sa comment section.

“Colorless na swimming, Ychan,” saad ng isang follower.

“Virtual swimming na lang lods,” payo ng isa pang netizen.

“Planong ‘di matuloy-tuloy. Check na check sa list ‘yan!”

Kaniya-kaniyang tag na rin ang marami sa kaniya-kaniyang tropa na nauwi na lang sa tawanan ang relatable content.

Sa pag-uulat, mayroon nang nasa mahigit 248,000 reactions at 4.2 million views ang viral video.

Huling hirit rin ng online personality sa sariling comment section: “Tirikan nyo na tropa nyo!”