Naungkat ng isang Facebook uploader ang dating panayam ni Rufa Mae Quinto kay Boy Abunda kung saan literal na tila hindi nagkasundo ang dalawa sa inihandang gimik habang naka-ere sila sa isang programa. Ang netizens, tawang-tawa!

Instant viral online ang nasa dalawampu’t pitong segundo na clip mula sa defunct Kapamilya late night news show na Bandila kung saan guest nga si Rufa.

Sa kabila kasi ng tila scripted na gimik ng show ay “lutang” pa rin ang naging rehistro ng komedyana.

Mga Pagdiriwang

Paskong Pilipino, pinakamahabang kapaskuhan sa buong mundo

“Alam mo na ‘yung gagawin natin ha,” sey ni Tito Boy sa video.

“Ano?” tila nawawala pa rin sa focus na si Rufa.

Sunod na hirit ng host: “Rufa Mae Quinto, ikaw na!”

“Ako na nga!” wala sa hulog na tugon ng komedyana.

“Hindi nga, ‘yung sinabi ko sa’yo kanina,” paliwanag muli ni Tito Boy.

Muling pagrolyo ng host: ““Rufa Mae Quinto, ikaw na!”

Lalo pang pagkalito ng aktres: “Ba’t ako?”

“Ikaw nga eh, ‘di ba sasagot ka sa’kin!” pagpapatuloy na eksplenasyon pa ng host na sunod nang nakuha ng komedyana sa wakas.

“Ay oo nga pala! Uy, gabi na, madaling araw na ‘to! Yes, Tito Boy,” energetic na pagbawi ni Rufa.

Sa huli, tama nang nasagot nito ang tugon na “Ikaw na” ng host kalakip ng iconic niyang “Go, go, go!” na hirit sa dulo.

Makalipas lang ang halos dalawang araw ay nasa mahigit 1.5 million views na ang viral video na ikinahalakhak ng marami online.

“’Yung diretso ka [ng] trabaho na wala pang kape,” laugh trip na caption ng uploader na si Raymund Ramirez Seranillo sa viral clip.

Tawang-tawa ang netizens at todo-relate din sa naging sitwasyon ng komedyana.

Gayunpaman, hindi naman malinaw kung pakulo at gimik lang noon ng host at ng komedyana ang on-air na "lutang" moment.

Matatandaang sa parehong estilo ng "lutang-lutangan" comedy nakilala si Rufa.