Isang food poisoning incident at apat na aksidente sa sasakyan ang naitala ngayong Semana Santa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes Santo, Abril 7.

Sa gitna ng Semana Santa, ipinag-utos ni Undersecretary Ariel Nepomuceno, executive director ng NDRRMC, ang lahat ng regional at local DRRM units sa buong bansa na paigtingin ang pagsubaybay sa mga insidente upang madali umano silang tumugon sa mga emergency.

Sa ulat ng NDRRMC, anim na estudyante, kapwa 9-anyos, mula sa Masabay Bajo Elementary School sa Brgy. Mansabay Bajo, Lopez Jaena, Misamis Occidental ang naging biktima ng food poisoning sa Misamis Oriental noong Lunes Santo, Abril 3, matapos umano silang masakitan ng tiyan nang makakain ng sunflower seeds.

“The students were brought to RHU (regional health unit) Lopez Jaena for medical treatment and later sent to their residences,” anang NDRRMC habang hindi pinangalanan ang mga biktima.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Samantala, limang kabataan umano ang nagtamo ng maliliit na gasgas matapos maaksidente ang sasakyan sa Brgy. Catayagan, Santa Lucia, Ilocos Sur, noong Lunes Santo.

Ayon sa NDRRMC, isang big bike at “kurong-kurong” na sinakyan ng mga biktima ang nagbanggaan dakong 10:55 ng gabi.

Kinilala umano ang mga biktima na sina John Joshua Lapyao, 15; John Mark Sunie, 19; Dhion Jubac, 15; Adrian Cobales, 16; at Mark Joey De Guzman, 16, pawang mga residente ng Ilocos Sur.

Isang aksidente sa sasakyan naman ang naganap sa kahabaan ng Sayre Highway sa P-1 Base Camp sa bayan ng Maramag, Bukidnon, dakong 2:00 ng madaling araw noong Martes Santo, Abril 4. Nabigyan umano ng paunang lunas ang hindi pinangalanang biktima na dinala sa Bukidnon Provincial Hospital para sa karagdagang lunas.

Isa ring vehicular accident ang naiulat sa Brgy. Libtong, Tagudin, Ilocos Sur dakong 1:04 ng madaling araw noong Miyerkules Santo, Abril 5, kung saan ang isang indibidwal na kinilalang si Edwin Mendoza, residente ng Rosario, Pangasinan, ay dumanas umano ng maraming gasgas at pananakit ng likod sa banggaan ng isang motorsiklo at pribadong sasakyan.

Dagdag pa ng NDRRMC, tumulong ang mga taga-responde sa ilang turista at isang cuchero nang masira ang kanilang kalesa habang naglilibot sila sa Brgy. 1 (Boardwalk), Vigan, Ilocos Sur dakong 5:40 ng hapon noong Miyerkules Santo.

“As our nation solemnly observes the Holy Week, keep in mind the safety of our families and homes,” ani Nepomuceno.

“Check the vehicles you will use when you travel, list emergency hotlines in your destination, secure your homes, and stay safe,” dagdag niya.

Martin Sadongdong