Iuutos na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr. na maghigpit sa pagbabantay sa jail facility upang hindi na maulit ang naganap na jailbreak sa Malibay Sub-station 6 detention facility ng Pasay City Police kamakailan.
Plano aniya nito na magkaroon ng regular inspections sa mga bilangguan, masolusyunan ang pagsisikip ng kulungan at pag-aralan muli ang security protocols, gayundin ang pananagutan ng mga opisyal ng pulisya sa insidente.
Nasa 10 preso ang tumakas sa insidente.
"Ito yung sinasabi nating basta magkaisa ang bansa, walang imposible. Ito na ang nadarama natin ngayon," sabi ni Abalos kaugnay sa sunud-sunod na pag-aresto sa mga tumakas na preso.
"Kung titingnan niyo ang mga nangyayaring krimen sa ating bansa ngayon, halos lahat mabilis [na nareresolba].The Degamo case in less than 24 hours ay nahuli agad yung [tatlong suspek]," sabi ni Abalos.
Sinabi naman ni National Capital Region Police Office Director Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, sa isang media forum na sinibak na sa puwesto ang lahat ng naka-duty na pulis at nasampahan na rin ng kaso.
Matatandaang tumakas ang mga naturang preso sa pamamagitan ng pagsira sa rehas na bakal ng kanilang kulungan nitong Abril 4.
Philippine News Agency