Puwede nga bang makabalik ang isang tao sa nakaraan o masilip man lamang ang hinaharap? Totoo nga ba ang konsepto ng time machine, o kaya naman ay time travel? Maniwala ka kaya kung sasabihin kong may naimbentong device noong 1950s na sinasabing puwedeng makapagpabalik sa nakalipas, at malaman ang ipinapangako ng bukas?
Sinasabing may tatlong aspekto ang panahon: ito ay ang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap. Ang nakaraan ay mga pangyayaring tapos o nagdaan na, at hindi na puwedeng mabalikan pa. Anumang nagawa, intensyonal man o hindi, ay hindi na mababawi pa. Ang kasalukuyan naman ay ang nagaganap o “present time,” at ang pinakamisteryoso na kadalasang kinasasabikan o kinatatakutang malaman, ay kung ano ang mangyayari sa hinaharap, na hindi pa nga nangyayari o nagaganap.
Sinasabing magkakaugnay ang tatlong iyan; kung anuman ang mayroon sa kasalukuyan ay bunga ng nakaraan, at ang hinaharap naman ay resulta ng kasalukuyan.
Dahil nga hindi na mababalikan ang nakalipas, maraming mga nagnanais na sana’y may isang ekspertong makapag-imbento ng isang makinarya, aparato, o device na puwedeng gamitin upang makatawid sa nagdaang panahon upang maitama ang mga nagawang pagkakamali, maituwid ang mga maling desisyon, o makasama ang mga taong mahahalaga sa buhay na namayapa na. O kaya naman, makatawid sa hinaharap upang magkaroon na ng ideya kung anong kahihinatnan ng buhay at mapaghandaan ito.
Kaya naman, isang Italian priest at scientist noong 1950s, ay bali-balitang may pareho at pambihirang kakayahang makita ang nakaraan at hinaharap? Ang aparato raw na naimbento niya ay tinatawag na Chronovisor, na sinasabing may kakayahang ma-capture at ma-display ang iba’t ibang mga imahen mula sa nakaraan; sa pamamagitan ng pagkuha sa mga natirang enerhiya ng historical events, kahit saang lugar at kahit anong panahon. Ito ay itinuturing na isa sa “13 Secrets of Vatican o Fascinating Theories About The Vatican.”
Ang naturang Italian priest at scientist ay kinilalang si Father Pellegrino Maria Ernetti, na ayon sa mga tala ay isang Benedictine monk, iginagalang na historyador ng ancient music, author, physicist at exorcist. Isa siyang multilingual, maalam sa electronics, physics, at occult arts.
Si Ernetti ay sumakabilang-buhay noong 1992, bitbit ang claims na nakita at nasaksihan niya ang pagkakapako at pagkamatay ni Hesukristo sa krus ng kalbaryo, gayundin ang pagkakasaksi niya sa talumpati ni Marcus Tullius Cicero sa Roman senate noong 63BC.
Ayon sa French priest at paranormal author na si Pere Francois Brune, sa kaniyang aklat na “Le Nouveau Mystère Du Vatican,” kasama ang 12 renowned scientists ay binuo nina Ernetti ang Chronovisor na naging pagmamay-ari ng Vatican City. May isang pagkakataon daw na nagkasama silang dalawa sa Grand Canal Ferry Ride sa Venice, at dito ay nagkapalagayan sila ng loob at nagkuwentuhan, palibhasa’y parehong alagad ng simbahan. Magkatulad din silang mahilig sa kasaysayan, wika, at agham. Isa pa, kalmado ang tubig at mahaba-haba ang biyahe ng mga sandaling iyon.
Isa raw sa mga napag-usapan nila ay tungkol sa interpretasyon ng banal na kasulatan ng mga Kristiyano o ang Bibliya. Ayon kay Ernetti, wala naman daw dapat iinterpret dahil puwedeng-puwedeng mabalikan ang nakaraan, lalo na sa panahong isinasaad ng Bibliya. Akala ni Brune ay nagbibiro lamang ang kausap na pari, subalit laking-gulat niya nang ibunyag nito ang tungkol sa Chronovisor, na nakakubli sa Vatican archive.
Dagdag pa sa salaysay ni Brune, ayon kay Ernetti, ang Chronovisor ay hindi isang time machine na puwedeng-puwede kang pumasok sa loob nito, dalhin sa nakalipas na panahon at makasalamuha ang mga dating tao, kundi puwede mo lamang masilip, makita at mapanood ang mga nangyari noon, gamit ang mismong mga mata, kagaya sa telebisyon.
Hindi makapaniwala si Brune sa mga ikinuwento sa kaniya ni Ernetti, dahil sino nga naman bang matinong tao ang maniniwalang posible palang magawa ang mga ganitong imbensyon? Ngunit may reputasyon si Ernetti na isang seryoso at respetadong pari at siyentista. Oo, imbentor siya, subalit ng mga bagay na nakaangkla sa siyensya at hindi ng mga kuwentong nilubid lamang. Iginagalang din siya sa simbahan.
Ayon pa umano kay Ernetti, bukod kay Cicero, narinig at nasaksihan din niya ang talumpati nina Napoleon at Benito Mussolini. Ngunit ang ikinamangha ni Brune, napanood umano ni Ernetti ang ilang mahahalagang pangyayari sa bibliya gaya ng pagtupok ng apoy sa Sodom at Gomorra, Huling Hapunan o Last Supper ni Hesukristo at mga alagad niya, at mga pangyayari bago at habang ipinapako siya sa krus.
Pagdedetalye pa ni Ernetti, nadiskubre ng kanilang team na ang mga lights at sounds ng nakaraan ay nananatili pa rin sa paligid, bilang isang form of energy. Sa pamamagitan daw ng mga antenna, kayang matukoy o madetect ng chronovisor ang iba’t ibang electromagnetic radiation, maisalin ito sa mga imahen o tunog mula sa pipiliing lugar o panahong nais mabalikan ng gumagamit nito.
Nang matanong daw ni Brune kung nasaan na ang device na ito, sinabi ni Ernetti na ito’y dinala sa Santo Papa sa Vatican ng panahong iyon na si Pope Pius XII.
Itinago raw ito sa Vatican dahil kung lalabas daw ito sa publiko, maaari daw itong magamit ng mga kalabang bansa, o sa digmaan, bilang pamblackmail; puwede kasi nitong masilip ang mga pinaka-iingat-ingatang lihim ng isang grupo o bansa.
Upang maiwasang magamit sa maling paraan ang chronovisor, minabuti raw ni Pope Pius XII na ipalagay ito sa archive ng Vatican church. Pinakalas daw ng Santo Papa ang chronovisor at mahigpit na nagbiling huwag itong ikuwento at ipagkalat kahit kanino. Wala raw sinuman ang dapat na makaalam sa kakayahan ng imbesyong ito.
Ang nakapagtataka rito, matapos pumanaw ni Ernetti, ilan sa mga kaanak niya ang nagsabing nangumpisal daw ang pari bago ito pumanaw, at isa sa mga inamin nito ay ang “gawa-gawa” lamang ang istorya ng chronovisor. Ginawa niya raw ito upang magkainteres at magbalik-loob ang mga tao sa Simbahan.
Ngunit kung totoo man ang bersyon ng mga kaanak ni Ernetti tungkol sa kumpisal ng pari na likhang-isip lamang ang chronovisor at hindi totoo, gayundin sa pahayag ng Simbahan, bakit daw kinakailangang maglabas ng isang decree ang Simbahang Katolika noong 1988 na nagbabawal sa sinumang gumamit ng mga makinang kagaya ng chronovisor, at sinumang mahuhuli at mapatutunayang gumagamit nito ay tatawaging “excommunicado?”
Kaya ang tanong pa rin hanggang ngayon ng mga eksperto, totoo nga kaya ang kuwento tungkol sa chronovisor? At kung totoo ito, baka puwede na itong magamit sa kasalukuyang panahon?