Hinimok ng opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalatayang Katoliko na paigtingin ang pananalangin sa paglalakbay ngayong Mahal na Araw.
Ayon kay Bishop Victor Bendico, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Liturgy, ang Semana Santa ang panahon kung saan inaanyayahan ang bawat isa na magpaninabagong buhay ayon sa paanyaya ng Panginoong Hesus.
"The Holy Week activities should always be seen as a journey of faith discerning new paths seeking our Lord as our companion...Holy Week summons us to conversion, to a change of mentality and heart especially in prayers and charity," pahayag ni Bishop Bendico sa church-run Radio Veritas.
Paliwanag ng opisyal, nais ng Panginoon ang pusong dalisay at mapagkumbaba na nakahandang tanggapin si Hesus upang mananahan.
Ayon pa kay Bendico, sa ganitong pagkakataon inaanyayahan ang bawat isa na magkawanggawa at lingapin ang pangangailangan ng kapwa lalo't higit ang mga naisasantabing sektor ng lipunan.
Pinaalalahanan din ng CBCP official ang mga mananampalataya sa pagsasagawa ng 'restitution' o pagbabalik sa mga bagay na hindi pag-aari tulad ng ginawa ni Zacchaeus na inilathala sa bibliya.
"It seems that 'Restitution' is a forgotten word nowadays. Yet, the Catholic Church still teaches us about restitution: that we are required to make reparation for injustices committed and restore stolen goods to their owner; Let us save our 'house', our life, through restitution" ani Bishop Bendico.
Hamon ng obispo sa mamamayan na magbalik-loob sa Diyos at talikdan ang anumang uri ng kasalanan kabilang na ang pagsusugal upang ganap ang pakikiisa sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.
Binigyang diin ni Bishop Bendico na hindi nakabatay ang Panginoon sa pagbabago sa panlabas na anyo kundi higit nitong tinitingnan ang nilalaman ng puso.
Paalala nito na ang mga Mahal na Araw ay hindi panahon ng kasiyahan kundi panahon ng pagninilay kaya’t apela sa mamamayan na bumisita sa pinakamalapit na simbahan kung hindi maiiwasan ang pagbabakasyon lalo na sa tourist destination ng bansa.
Una nang nanawagan ang Simbahang Katolika sa mamamayan na makiisa sa mga gawain ngayong Semana Santa gayong mas niluluwagan ng pamahalaan ang panuntunan kaugnay sa pandemya.