Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging mapagmatyag sa maaaring pinsala sa balat na dulot ng madalas na pagkalantad sa araw.
Dapat laging mag-ingat ang publiko para maiwasan ang sunburn, ani DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire nitong Martes, Abril 4.
“Yung sunburn, ito po ay form ng [skin] burn… We consider it already as part ng dimension ng pagkakasunog ng balat,” sabi Vergeire sa isang media forum.
Pinayuhan ni Vergeire ang publiko na agad na magpatingin sa doktor kung makaranas sila ng matinding sunburn. “Yung nag-stay kayo the whole day under the sun tapos nakita nyo yung balat nyo ay hindi na lang namumula kundi parang pumuputok-putok na at katulad ng sabi ko nagtutubig, kailangan na po kayong magpatingin sa doktor para mabigyan po kayo. ng kinakailangang gamot o kaya paggamot," sabi niya.
Nagbabala rin ang Health official sa publiko laban sa matagal na pagkabilad sa araw dahil maaari itong magpataas ng panganib ng skin cancer.
“Constant exposure to the sun can cause skin cancer, so that is a known fact,” sabi ni Vergeire.
Sa pagbanggit ng datos mula sa Philippine Dermatological Society, binanggit ni Vergeire na nasa 2,700 Pilipino ang na-diagnose na may kanser sa balat mula 2011 hanggang 2021.
Sinabi ni Vergeire na maiiwasan ang pinsala sa balat. “Ang paglabas po sa araw iwasan po natin lalong-lalo na po kung matindi ang sikat ng araw.”
“Laging magsuot ng sun protection, yung atin pong mga nilalagay na sunscreens para po napo-protektahan tayo mula sa direktang epekto ng araw sa ating balat,” dagdag niya.
Heat exhaustion
Samantala sa kaugnay na ulat, nakatanggap din ang DOH ng mga ulat na mahigit 100 indibidwal ang dumanas ng pagkahapo sa init noong nakaraang buwan.
May kabuuang 33 katao mula sa apat na high school sa Valenzuela City ang nakaranas ng heat exhaustion noong Marso 9, ani Vergeire.
Sa kabilang banda, mayroong "85 na mag-aaral mula sa national high school sa Cabuyao, Laguna" ang nakaranas ng parehong sitwasyon noong Marso 23, ani Vergeire.
“Wala pa po tayong nareport na severe o kaya naging kritikal dahil dito,” saad ni Vergeire.
“Sila naman po ay binigyan lang ng first aid o karampatang lunas at pinauwi na rin pagkatapos," dagdag niya.
Tinukoy ng US Centers for Disease Control and Prevention ang heat exhaustion bilang "tugon ng katawan sa labis na pagkawala ng tubig at asin, kadalasan dulot ng labis na pagpapawis." Ilan sa mga sintomas nito ay ang pananakit ng ulo, pagduduwal, at pagkahilo.
Analou de Vera