Ikinatuwa ng netizens ang amang tinanggap ang buong pagkatao ng kaniyang anak, matapos tuparin ang kahilingan ng anak para sa kaarawan nito.

Bukod sa pagtupad ng kahilingan, hinangaan ng netizens ang espesyal na mensahe ng amang si John Alexis Avestrus na nagpapakita ng buong pagsuporta sa gusto ng anak niyang si Santino Zach Avestrus.

Aniya, "Pinanganak kang lalaki pero pusong babae. Di ako magician para gawin kang ija! Pero mahal kita kaya, suporta ako sa kung anuman ang gusto mo."

"Iyan ang wish mo isa ka ng sirena. Huwag mo hayaang ibaba nila ang bandera mo! I love you Santino, Papa B," dagdag pa ni Alexis.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Alexis, inilarawan niya bilang mabait at malambing na anak si Santino.

Aniya, "Sa limang anak ko po, apat na lalaki at isang babae, siya po yung pinakamalambing."

Ikinuwento rin niya na mahilig umanong sumayaw si Santino sa TikTok at minsan ay nagsusuot ito ng pambabaeng damit sa loob lamang ng kanilang bahay.

"Mahilig po siyang sumayaw nang malabot at nagsusuot po siya minsan ng pambabae pero dito lang po sa bahay kapag trip niya sumayaw sa TikTok," pagkukuwento ni Alexis.

Matapos mag-viral ang post, maraming netizens ang humanga at naantig sa kabaitan ni Alexis sa kaniyang anak. Ayon pa sa netizens, bihira na lang ang mga magulang na tanggap at suportado ang ibang kagustuhan ng anak.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!