Inihain ni Senador Manuel "Lito" Lapid ang Senate Bill No. 2056 o ang ‘Local Arts and Entertainment Industry Promotions Act’ na naglalayong bawasan ang mga buwis na binabayaran ng local film at entertainment industries.

Ayon kay Lapid, malaki ang tsansang makabawi ang lokal na industriya ng pelikula at musika sa mula sa mga pagkalugi dulot ng pandemya, piracy at pagdami ng streaming media.

"Upang mahikayat ang mas marami nating mga kababayan na bumalik sa mga sinehan at suportahan ang mga pelikulang Pilipino gaya na lamang po ng mga official entries sa Metro Manila Summer Film Festival na gaganapin mula April 8-18, kailangan nating bigyan ang industriya ng kinakailangang suporta sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga tax breaks na tutulong sa kanilang lumikha ng mahuhusay na sining na may competitive pricing na abot-kaya pa rin para sa ating mga kababayan," ani Lapid.

Sa ilalim ng panukalang batas, gagawing mas abot-kamay din sa mga Pilipino sa lahat ng antas ng pamumuhay ang mga lokal na gawang pelikula at pagtatanghal. Ito ay bilang isang paraan umano upang pangalagaan at protektahan ang mga sining at kultura ng bansa.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

"Ang pagbabalik po ng ating mga kababayan sa ating mga sinehan at teatro ay makapagbibigay ng tulong sa ating ekonomiya hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa mga nasa industriya, kundi sa mga karatig na economic activities sa paglikha ng mga pelikula at live performance kagaya ng mga restaurant at mga shop na nagtitinda sa mga nanood ng mga pelikula at concert,” saad ni Lapid.

"Umaasa ako na susuportahan rin ng aking mga kasamahan sa Senado ang pagpasa ng panukalang ito upang mas maiangat pa natin ang kalidad ng ating local film and music industries,” dagdag niya.

Inanyayahan din ni Lapid ang publiko at mga kasama niya sa Senado na suportahan ang unang Metro Manila Summer Film Festival lalo na’t parte umano siya ng pelikulang pinamagatang ‘APAG’ na isa sa mga entry nito.