Niyanig ng magnitude 4.1 na lindol ang probinsya ng Zamboanga Del Sur nitong Biyernes ng umaga, Marso 31, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan bandang 5:39 ng umaga.

Namataan ang epicenter nito 26 kilometro ang layo sa timog-silangan ng Tabina, Zamboanga Del Sur, na may lalim na 26 kilometro.

Naramdaman ang Intensity III sa City of Pagadian at Tabina, ZAMBOANGA DEL SUR.

Naitala naman ang Intensity II sa Pigcawayan, COTABATO; Dimataling at Pitogo, ZAMBOANGA DEL SUR; at Lebak, SULTAN KUDARAT, habang Intensity I naman sa Alamada, COTABATO.

Samantala, ibinahagi rin ng Phivolcs na naiulat ang Instrumental Intensity I sa Sindangan, ZAMBOANGA DEL NORTE.

Wala naman umanong inaasahang posibleng aftershocks dahil sa lindol.

Hindi rin inaasahan ng Phivolcs na magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.