Naghiyawan ang mga nanood sa "Born Pink" concert ng sikat na K-pop girl group na "Blackpink" sa Philippine Arena nitong Marso 26 dahil bukod sa performance ng grupo, dito rin nagsagawa ng "promposal" si Kapamilya actress Andrea Brillantes sa kaniyang boyfriend na si basketball star player Ricci Rivero.

Magkasamang nanood ang mag-jowa sa concert. Napansin nina Rosé at Lisa ng Blankpink ang itinaas na placard ni Ricci, kung saan binasa nila ang nakasulat na “I just wanna ask Ricci Rivero, will you go to prom with Andrea?”

“Please go to prom with that girl," sey ni Rosé sa kay Ricci.

Yes naman ang sagot ni Ricci sabay halik sa noo ng gf, na nagpadagundong naman sa Philippine Arena.

'Got two wins today!' Rivero, pumuntos, nakaiskor ng 'yes' kay Brillantes

Ang "promposal" ay ginagawa ng Star Magic artists para sa mga nais nilang maka-date o maka-partner sa nalalapit na "Star Magical Prom."

Sey ng mga netizen, tila natalbugan ni Blythe ang girlfriend proposal noon ni Ricci sa kaniya. Abril 2022 nang maging sila ni Andrea.

"Can I ask Blythe (Andrea) to be my girlfriend?" tanong ni Ricci habang naghihiyawan sa kilig ang mga taong saksi sa paligid. Sa magkabilang gilid naman ay may dalawang taong may bitbit na itim na damit na may nakalagay na 'YES' at 'NO'.

Pinili ni Andrea ang YES hanggang sa naging emosyunal na ito.