Laugh trip ang hatid ng isang viral video ng sakristan na naispatang nakatulog sa kalagitnaan ng homily ng misa, kaya hindi na niya naasiste pa ang pari matapos ang sermon nito.

Batay sa TikTok video ni Fr. Richard Lagos ng Shrine of the Holy Face of Jesus- Immaculate Conception Parish sa bayan ng Nampicuan, Nueva Ecija, nahagip ng CCTV na saglit na dumukmo sa upuan at natulog ang sakristan at tila napasarap na ito sa pagkakahimbing.

Pagkatapos ng homily ni Father, hindi nailabas ng altar boy ang sisidlan ng ostiya at lalagyan ng alak at tubig. Dahil ilang segundo na ang lumilipas at wala pa ring lumalabas na sakristan, ang pari na mismo ang kumuha ng mga ito. Dito na niya nakitang natutulog ang sakristan. Sa halip na gisingin, siya na lamang ang naglabas ng mga banal na kagamitan at ipinagpatuloy ang misa.

Ginising naman ng isang lalaking tila namamahala sa slides presentation ang sakristan, na kitang-kitang napabalikwas ng bangon.

Human-Interest

Mahanap kaya? Lalaking hinahanap nawalay na biological parents, usap-usapan

Naging positibo naman ang pagtanggap ng mga netizen sa ginawa ni Father dahil sa halip na pagalitan ay inunawa na lamang nito ang sakristan.

Sa isa pang TikTok video ay nagpasalamat naman ang pari sa magagandang mensaheng natanggap niya mula sa mga netizen.