Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagtanggol ni Cristy Fermin si It's Showtime host Unkabogable Phenomenal Star Vice Ganda matapos kuwestyunin ng mga netizen sa pagbili ng mamahaling alagang aso, na "baby" nila ng partner na si Ion Perez.

Ayon kasi sa ulat, isang four-month-old black and white Pomeranian ang napiling alagaan nina Vice at Ion na may presyong ₱380,000. Banat ng mga netizen, sapat na raw ang naturang halaga upang makatulong sa mga kababayang naghihirap at nangangailangan.

Si Cristy, bagama't madalas na napapaulanan ng birada ang komedyante-TV host, ay nauunawaan naman ang ginawa ng mag-dyowa. Isa rin kasing dog lover si Cristy.

Anang batikang showbiz insider, "Ako kasi, nauunawaan ko ang pagbili ng fur baby nina Vice Ganda at Ion Perez. Siguro nga ay parang magiging bias ako kasi dog lover ako eh, ang buong pamilya namin."

Vice Ganda at Ion Perez, may ‘baby’ na!

"Ang aso ko po dito sa bahay ay 15, sa probinsya ay mas marami po at talagang mauunawaan po natin ang kaligayahan na ibinibigay ng mga alaga sa ating buhay," giit ni Cristy.

“Kaya hindi dapat bina-bash si Vice Ganda at saka si Ion Perez kung bumili man po sila ng Pomeranian na nagkakahalaga ng ₱380k.

Nauna nang naibalita rito ang bagong "baby" nina Vice at Ion, na mapapanood sa vlog ng award-winning comedian.