Ibinahagi ni House Secretary General Reginald Velasco nitong Huwebes, Marso 23, na nagpadala ng sulat sa Kamara si Pamplona Mayor Janice Degamo, ang asawa ng pinaslang na si Gov. Roel Degamo, bilang panawagang patawan ng expulsion ang kamakailang nasuspende na si Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo "Arnie" Teves Jr.

Pinatawan ng 60-day suspension si Teves dahil umano sa "disorderly behavior" matapos itong tumangging umuwi ng Pilipinas mula sa United States sa kabila ng pagpapatawag sa kaniyang personal na magpakita sa House Committee on Ethics.

BASAHIN: 60 days suspension, ipinataw ng Kamara kay Teves

Matatandaang nagkaroon ng mga alegasyong sangkot si Teves sa pagpaslang kay Gov. Degamo noong Marso 4 sa bayan ng Pamplona, Negros Oriental.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Ayon kay Velasco, ang nasabing sulat ng asawa ng nasawing gobernador ay natanggap ng Kamara nitong Miyerkules, Marso 22.

"Yung sulat ni Mrs. Degano, Mayor Janice Degamo is urging or calling for the expulsion of Congressman Arnie Teves," ani Velasco. "Medyo matindi ‘yung request niya, explusion. Eh ‘yung expulsion naman, for any House member, may proseso rin, may procedure din ‘yan. Again, ire-refer din namin ‘yan eventually sa Committee on Ethics.”

Ayon pa sa secretary general, maaring magrekomenda ang Committee on Ethics ng panibagong disciplinary measure laban kay Teves. Ngunit kinakailangang hintayin pa umano ang magiging desisyon ng nasabing komite hinggil sa magiging aksyon nito sa sulat ng alkalde.

Hindi naman na umano ipinakita ni Velasco sa midya ang laman ng sulat, ngunit ibinahagi niyang mahaba at tila isang “personal letter”.

Pag-aaralan na rin umano ng House legal team ang gagawin nila sa nasabing sulat ng alkalde.