Upang mahikayat ang publiko na mag-register ng kanilang SIM, ang Department of Information and Communications Technology ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga local government unit (LGU), na naglalayong maipalaganap ang SIM Registration at ang itinakdang panahon sa pagrerehistro.

Ayon kay DICT Undersecretary at Spokesperson Anna Mae Yu Lamentillo, mahalaga ang Tech4ED Centers para sa SIM Registration. Bukod dito, handang magbigay ng tulong para sa SIM Registration ang DICT, sa pamamagitan ng mga Regional at Provincial Offices.

“Upang mahikayat ang publiko na magparehistro ng kanilang mga SIM, patuloy po ang ating pakikipag-ugnayan sa mga LGU sa pagpapakalat ng impormasyon. Gayundin, ang facilitated SIM registration sa mga malalayong lugar ay patuloy pa rin na isinasagawa ng DICT sa pamamagitan ng NTC. Gayundin, ang DICT ay nag-aalok ng tulong sa SIM Registration sa aming mga DICT Regional at Provincial Offices, at pati sa ating mga Tech4ED Center,” pahayag ni Undersecretary Lamentillo sa isang panayam kasama ang Laging Handa.

Ayon sa datos na inilabas ng mga lokal na Public Telecommunication Entities (PTEs): Smart Communications Inc., Globe Telecom Inc., at DITO Telecommunity Corp. - para sa ika-21 ng Marso 2023, umabot na sa 49,203,064 ang bilang ng mga subscriber na nakapagrehistro. Ito ay 29.12% ng kabuuang bilang na 168,977,773 subscriber sa buong bansa.

National

Marbil, igniit na dapat magpakita na si Harry Roque: 'Alam niya ang tama sa mali!'

Naitala ng Smart Communications Inc. ang 25,097,454 bilang o 36.91% ng kanilang 67,995,734 subscribers. Iniulat din ng Globe Telecom Inc. na 20,412,643 na ang rehistrado sa kanila, 23.23% ng kanilang 87,873,936 subscribers. Para naman sa DITO Telecommunity Corp., 3,693,064 na ang rehistrado o 28.17% ng kanilang 13,108,103 subscribers.

Ang DICT ay patuloy na nagpapaalala sa publiko na maging maingat at mapanuri habang nagrerehistro ng kanilang mga SIM. Gamitin lamang ang mga opisyal na website link ng mga PTE:

• SMART - smart.com.ph/simreg or simreg.smart.com.ph

• GLOBE - new.globe.com.ph/simreg

• DITO - https://digital.dito.ph/pto/download/app

 

Para sa mga tanong o report ukol sa SIM Registration, maaring tumawag sa 1326. Maaari ring tumawag sa mga numerong ito upang marating ang DICT:

SMART: 0947 714 7105

GLOBE: 0966 976 5971

DITO: 0991 481 4225