Mahigit sa 5,000 indigent patients sa bansa ang naging benepisyaryo ng ₱32.8 milyong medical assistance na ipinamahagi ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong nakaraang linggo lamang.

Sa datos na inilabas ng PCSO nitong Martes, nabatid na kabuuang ₱32,844,788.57 ang naipagkaloob nila sa may 5,013 pasyente mula Marso 13 hanggang 17, 2023 lamang, sa ilalim ng kanilang Medical Assistance Program (MAP).

Nabatid na kabilang sa nabiyayaan ng naturang tulong medikal ng PCSO ay ang 677 pasyente mula sa National Capital Region (NCR) na nabigyan ng kabuuang halaga na P8,849,823.

Sa Northern at Central Luzon, umaabot sa 1,135 pasyente ang nabiyayaan ng ₱7,454,305.17 na halaga ng tulong medikal.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa Southern Tagalog at Bicol Region naman, 1,331 pasyente ang nakinabang sa ₱6,281,184.63 halaga ng medical assistance.

Sa Visayas, 957 pasyente ang nabigyan ng ₱5,488,383.13 na halaga ng tulong para sa kanilang pagpapagamot habang sa Mindanao ay 913 pasyente ang naging benepisyaryo ng ₱4,771,092.64 na tulong medikal.

Kaugnay nito, nagpasalamat rin ang PCSO sa publiko dahil sa patuloy na pagtangkilik sa kanilang mga palaro.

“Sa pagtangkilik ninyo sa Sweepstakes, STL at Lotto, magtutuloy tuloy ang sebisyong medical ng PCSO at maraming PILIPINONG nangangailangan ang matutulungan,” anito pa.

Muli rin namang hinimok ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tumaya sa mga PCSO games dahil malaking bahagi nito ang napupunta sa kawanggawa.