Ibinahagi ni Senador Cynthia Villar na iimbestigahan sa Senado ang posibleng administratibong pananagutan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina) sa kumakalat na oil spill sa mga baybay-dagat ng bansa bunsod ng lumubog na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28.

Sa panayam ng Radio DZBB nitong Linggo, Marso 19, ibinahagi ni Villar, pinuno ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change, na naniniwala siyang may pananagutan ang ilang mga opisyal ng PCG at Marina sa nangyari lalo na't ang mga ito umano ang responsable sa pag-isyu ng mga permit at pag-regulate ng maritime movements sa bansa.

“Meron ‘yan…Syempre meron,” saad ni Villar sa usapin ng pananagutan ng ilang opisyal ng PCG at Marina. “Rereviewhin ko pa 'yung pananagutan ng government officials na nag-cause nitong problemang ito."

“Hindi ko alam kung sa civil service yan eh, kasi mga government officials sila and employees," dagdag niya.

National

LPA sa labas ng PAR, ganap nang bagyo

Hindi pa naman umano nasisiyasat ni Villar ang civil service dahil nakatuon pa sila ngayon sa pananagutan ng RDC Reield Marine Services, Inc. na siyang may-ari ng lumubog na MT Princess Empress.

Matatandaang sinabi ng Marina na walang permit para mag-operate ang RDC ng lumubog na tanker. Ngunit pnasinungalingan ito ng PCG.

Samantala, nagpahayag din si Villar na nakikita umano niyang mahihirapan ang RDC sa pagbabayad sa mga taong naapektuhan ng oil spill.

“Ang problema nila, maliit silang kumpanya. Kahit maski ibigay nila lahat ng pagaari ng kumpanya eh tingin ko kulang pa sa naging cause nito,” anang senador.

“Maliit eh, billion ang halaga nito. Kasi yung nawalan ng trabaho, mga fishermen…Tapos yung damage pa sa ating coral reefs, sa ating tourism.

Baka hindi niya (RDC) kaya ito. Maba-bankrupt siya dito," saad pa ni Villar.