Nakarating sa kaalaman ni Rendon Labador ang reaksiyon ni "FPJ's Batang Quiapo" lead star at direktor na si Coco Martin tungkol sa paninita nito sa kaniya, kaugnay ng pagiging "abala" sa mga nagtitinda sa Quiapo dahil sa kanilang taping.

Mismong si Rendon ang nag-post ng isang video clip ni Coco kung saan makikitang tinatanong ito ng mga kausap kung anong masasabi niya sa pag-call out sa kaniya ng motivational speaker at social media personality.

Rendon Labador, may ibinunyag; inalok ng role sa 'FPJ's Batang Quiapo'

Makikitang ngingiti-ngiti at tatawa-tawa lamang si Coco.

"Sana naman si Rendon (Labador) hindi mo set-up," saad ng lalaking kausap ni Coco sa video, na hindi naman tiyak kung sino.

Dito ay inamin ni Coco na inalok pala nila si Rendon ng role sa serye.

"Hindi… actually kinukuha namin 'yon eh… eh hindi natuloy eh…"

Singit naman ng kausap, "Huwag naman please!"

Isa pang lalaki ang nagsalita at sinabing nais daw niyang barahin si Rendon dahil tila ginagawa nitong "content" ang pakikisawsaw raw sa mga isyung kinasasangkutan ng artista o celebrity.

"Kumikita para lang manira ng ibang tao," sey naman ng isa pang kasama sa usapan.

"Hayaan n'yo na… ako naman inuunawa ko na lang sila," pahayag pa ni Coco. Pati raw ang kapatid ni Rendon ay kinukuha rin nila subalit hindi nga natuloy.

Bagay na kinumpirma naman ni Rendon sa kaniyang open letter. Enero pa lamang daw ay kinukuha na talaga sila subalit hindi niya nagustuhan ang tila "walang direksyong" istorya nito, kaya dalawang beses silang tumanggi.

Kung gusto raw talaga ni Coco na kunin ang serbisyo nila, maayos daw itong magpa-book ng appointment sa kaniyang opisina, dahil abala siya sa kaniyang negosyo at iba pang pinagkakaabalahan. Pero dapat daw, ayusin muna ni Coco ang concerns niya ukol sa mga nagtitinda sa Quiapo.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Coco tungkol dito.