Limang dayuhan ang arestado ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI), apat sa mga ito ay pinaghahanap umano sa kani-kanilang bansa dahil sa iba't ibang kaso.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang mga dayuhan, apat na Indian at isang Taiwanese, ay naaresto sa dalawang magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng bureau sa Iloilo City at Boracay, Aklan.

“These wanted foreigners will be expelled for being undesirable aliens and also for being undocumented as their passports were already cancelled by their respective governments,” ani Tansingco.   “We will also place them in our blacklist to ban them from re-entering the country.”

Tatlo sa mga Indian ang inaresto noong Marso 7 sa Iloilo City. Kinilala ang mga ito na sina Manpreet Singh, 23; Amritpal Singh, 24; at Arshdeep Singh, 26.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Sinabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na ang tatlong Indian fugitive ay napapailalim sa warrants of arrest para sa mga kasong murder at iba pang ilegal na aktibidad.

Sinabi ni Sy na sa panahon ng operasyon ay nakasalubong ng arresting team ang isang Amrikh Singh, 33, na naaresto rin dahil sa hindi pagpapakita ng travel document at pinaghihinalaang illegal entry.

Inihayag din ni Sy na ang mga Indian ay iniimbestigahan ng gobyerno sa New Delhi para sa kanilang umano'y kaugnayan sa isang extremist group na kilala bilang Khalistan Tiger Force.

Arestado sa Boracay, Aklan si Taiwanese Lee He Zhan, 26, na wanted sa kanyang bansa dahil sa illegal drugs trade.

Isang warrant of arrest ang inilabas laban kay Lee ng district prosecutor's office sa Diaotou, Taiwan kung saan siya kinasuhan ng paglabag sa narcotics hazard prevention act ng kanyang bansa.

Lahat ng limang dayuhan ay inilipat na sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang deportasyon.

Jun Ramirez