Inianunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules na mahigit sa ₱34.3 milyon ang halaga ng medical assistance na kanilang naipamahagi sa higit 5,000 indigent patients sa bansa.

Sa abiso ng PCSO, nabatid na kabuuang ₱34,373,101.07 ang naipagkaloob sa may 5,288 pasyente mula Marso 6 hanggang 10, 2023 lamang, sa ilalim ng kanilang Medical Assistance Program (MAP).

Eleksyon

COC Filing DAY 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Kabilang sa nabiyayaan ng naturang tulong medikal ng PCSO ay ang 557 pasyente mula sa National Capital Region (NCR) na nabigyan ng kabuuang halaga na ₱7,175,498.

Sa Northern at Central Luzon, umaabot sa 1,148 pasyente ang nabiyayaan ng ₱7,558,610.52 na halaga ng tulong medikal habang sa Southern Tagalog at Bicol Region naman, 1,276 pasyente ang nakinabang sa ₱6,304,371.04 halaga ng medical assistance.

Sa Visayas, 1,073 pasyente ang nabigyan ng ₱6,684,539.28 na halaga ng assistance sa pagpapagamot habang sa Mindanao ay 1,234 pasyente ang naging benepisyaryo ng ₱6,650,082.23 na tulong medikal.

Kaugnay nito, muli namang hinimok ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games dahil malaking bahagi nito ang napupunta sa kawanggawa.