Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Martes na ang ‘unsafe sex’ ang siyang pangunahing sanhi nang hawahan ng HIV virus sa buong mundo.
Ang pahayag ay ginawa ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire kasunod ng ulat na mayroong 86 na kabataan ang na-diagnosed na may HIV nito lamang Enero.
"Most common cause ng HIV dito sa ating bansa and even around the world is unsafe sex," ayon pa kay Vergeire, sa isang pulong balitaan.
"So, kapag sinabi nating unsafe sex, ang ating preventive measure is to always have safe sex," dagdag pa niya.
Idinagdag pa ng opisyal na ang paggamit ng condoms at pagbubunyag ng sexual history ng isang tao ay kabilang sa mga paraan upang maiwasan ang hawahan ng HIV.
Kaugnay nito, hinimok ni Vergeire ang publiko na kaagad na magpasuri sakaling may panganib na nahawahan sila ng naturang karamdaman upang matutunan ang mga treatment options na available sa ngayon.
Binigyang-diin pa ni Vergeire na ang HIV ay hindi na death sentence ngayon, gaya ng iniisip ng mga tao noong araw.
Aniya, bagamat hindi nagagamot ang pasyente, nakakatulong naman ang mga iniinom nilang gamot upang mapanatili ang isang prodaktibong pamumuhay sa matagal na matagal na panahon.
"Hindi na po death sentence ngayon ang HIV katulad nung araw na iniisip ng mga tao," aniya. "Hindi kayo nagagamot pero 'yung gamot na iniinom niyo po can maintain and sustain your life and you become productive hanggang sa matagal na matagal na panahon."